Kilala sa kaniyang mga top-rating series tulad ng “Encantadia”, “Amaya” at ang usap-usapan kamakailan na “Maria Clara at Ibarra,” ikinuwento ni Suzette Doctolero kung paano siya nagsimula sa pagiging isang screenwriter, hanggang sa matanggap siya sa Kapuso Network.
Sa online talk show na “Just In” ni Paolo Contis, ikinuwento ni Doctolero na nag-on-the-job-training siya bilang Production Assistant sa Dulaang Balintataw, kung saan nagpo-produce ang aktres na si Cecile Guidote-Alvarez ng Balintataw TV.
Sa opisina ng Dulaang Balintataw, may sa isang mesa kung saan iiwan ng mga writer ang kanilang mga script, para basahin ng mga direktor.
“Kumuha ako ng isa, inuwi ko, tinignan ko ulit. Kasi at that time hindi pa uso masyado ‘yung workshops tsaka hindi pinag-aaralan ang script writing. Inaral ko, sabi ko ‘Ah ganito pala magsulat ng script,’” kuwento ni Doctolero.
“Sumulat ako. Hindi ko nilagay ang pangalan ko,” dagdag niya.
Matapos ang ilang araw, may isang direktor ang dumating sa opisina, at binasa niya ang sinulat na script ni Doctolero.
“May pumuntang direktor, nakita niya ‘yung script ko, basta randomly kumuha lang siya, umupo siya, binasa niya. Tapos nakikita ko siya habang nagpupunas siguro ako… Punas-punasan. Tapos maya-maya, tumayo siya ‘Gusto ko ito!’”
Ngunit dahil hindi inilagay ni Doctolero ang kaniyang pangalan, nagtaka ang direktor kung sino ang lumikha ng script.
“‘Kaya lang sino ang nagsulat nito? Wala?’ Sabi ko ‘Akin po ‘yan,’” ani Doctolero.
Nagsulat na rin si Doctolero para sa Viva, hanggang sa kunin siya ng Kapuso Network.
Naging Assistant Director din si Doctolero ng Filipino filmmaker na si Joselito Altarejos.
Tinanong din ni Paolo kung bakit hindi tinuloy ni Doctolero na maging isang character actress.
“Kasi kapag tumitingin ako sa salamin, sabi ko parang hindi naman ako masyadong artistahin,” natatawang sabi ni Doctolero. “Parang sa pagsusulat na lang ako.”—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News