Ikinuwento ni Mikee Quintos na dumating ang isang pagkakataon na pakiramdam niyang napipilitan na lamang siyang pumasok sa kolehiyo at tinatapos na lamang ito para sa kaniyang mga magulang.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, tinanong ni Tito Boy si Mikee kung gaano kahirap para sa kaniya na pagsabayin ang pag-aaral at ang pag-aartista.

“Nahirapan po ako at one point nang pinakamalala lang. But from the very beginning, ‘yun ang agreement namin ng parents ko eh. Papayagan nila akong mag-artista basta magtuloy-tuloy ako at hindi ako mag-stop sa school at maka-graduate ako ng archi (architecture). At one point, naging ‘yun lang siya, promise sa parents,” sabi ni Mikee.

“Noong time na ‘yun ang paniniwala ko, na promise na lang siya, doon po ako nahirapan. Kasi nga I feel like I’m doing it for them na lang, I’m not really enjoying it anymore,” pagpapatuloy niya.

Ipinaglaban ni Mikee sa pamilya ang kaniyang nararamdaman, at binigyan naman siya ng kalayaang magpasiya.

Dito, unti-unti niyang napagtanto na kailangan niyang magtapos sa kolehiyo para sa sarili.

“Nilaban ko sa kanila ‘yon. Tapos galit nilang binigay sa akin ‘yung, ‘Sige, bahala ka na.’ Tapos doon po nagbago ‘yung mind ko surprisingly Tito Boy, noong finally binigay nila sa akin ‘yung freedom. Nahanap ko ‘yung feeling sa sarili ko na, gusto ko pa nga pala tapusin for myself this time, not for anyone else,” saad ng “The Write One” actress.

Hanggang sa dumating ang puntong hindi na napipilitan si Mikee sa kaniyang pag-aaral.

“And when I decided to do it finally, mas okay ang grades ko, mas okay ang pagpasok ko. Doon ko natutunan na kapag aware ang isang tao na ginagawa niya para sa kaniya at para sa sarili niyang growth, malakas ang drive at hindi pinipilit. Ang laki po pala ng epekto ng ganu’n sa subconscious kapag feeling mo napipilitan ka lang gawin.”

Noong magdesisyong mag-artista, ikinuwento rin ni Mikee na nakaramdam siya na nagtampo ang mga kaklase niya sa kolehiyo.

“Medyo tampo. Second year college na po ako noong nag-artista po ako. Na-feel ko ‘yung iba nag-change. Ewan ko may naramdaman akong, nag-iba na ‘yung way nila akong kausapin. ‘Uy ako pa rin ‘to ah. Ano ba kayo?’ Sila pa rin ang nagbago,” saad ng Kapuso actress.

“Parang ako pa ‘yung nagtampo na sila ‘yung nag-change. Doon ko na-appreciate ang high school friends ko.”

Nag-iba man ang takbo ng pagkakaibigan nina Mikee at ng kaniyang ilang college friends, nanumbalik naman ang mga kaibigan niya noong high school.

“‘Yung dati kong nirereklamo ko noong high school na lagi nila akong binu-bully, pagdating noong nag-artista na ako, ‘yun ‘yung nami-miss ko. Doon ko nafi-feel na I’m home. Yung asaran, derecho, walang preno." —VBL, GMA Integrated News