Ipinamalas ni Derrick Monasterio ang kaniyang mabuting puso nang magpaabot siya ng moral support at tulong pinansiyal, at hindi niya binitawan ang isang avid fan para malagpasan ang laban nito sa throat cancer.
Sa ulat ni Lhar Santiago sa "24 Oras," ipinakilala ang fan ni Derrick na si Monet Villarba, isang hair and makeup artist.
"Inspiration ko rin po kasi si Derrick Monasterio, na nung malaman niya na nagkaroon ako ng ganitong sakit, he's the one na nagsabi sa 'kin na, 'I'm always here for you,'" sabi ni Monet.
Inilahad ni Derrick ang pagmamahal niya kay Monet, na palaging nagho-host ng mga event kasama ang fans “out of love.”
Dahil dito, binigyan niya ang hairstylist ng pinansyal na suporta upang labanan ang cancer at kinukumusta niya rin ito para magbigay ng moral na suporta.
"Sinwerte lang din ako kasi ang daming pumasok na blessing sa akin so parang i-share naman natin sa mga nangangailangan, ganu’n. So, parang wala lang po, give back lang po," sabi ni Derrick.
Sinabi ni Monet na binigyan siya ni Derrick ng lakas para labanan ang kanyang karamdaman.
"''Yun po 'yung nagpalakas ng loob ko na parang, 'Ay oo nga, ba't hindi ako lalaban?' Andito pa pala 'yung idol ko. Andito pa pala siya na hindi ako binibitawan, na kahit hindi po ako humihingi sa kanya ng tulong," sabi ni Monet.
"He is the first person na nag-chat sa akin," dagdag ni Monet.
Makalipas ang ilang buwan ng chemotherapy at radiation, gumaling na si Monet at nakabalik na sa trabaho. Bumalik na rin siya sa pagiging active member ng fans club ni Derrick, at nag-host pa ng Fans Day ng Kapuso actor.
"'Yung time na nandoon, sabi ko, this is the moment na aside sa anniversary, aside sa masayang araw, I just want to share to everyone kung gaano siya kabait, kung gaano siya makatao," sabi ni Monet.
Masaya raw si Derrick ngayong gumaling na si Monet.
"Gusto ko lang siyang makasama ng mas matagal kasi fun siyang tao and masaya siyang kasama and very genuine sa 'kin, very sincere, like konti na lang kasi 'yung makikita mo na mahal ka talaga," sabi ni Derrick tungkol kay Monet. —VBL, GMA Integrated News