Kahit marami nang naibigay sa kaniyang pamilya, para kay Kiray Celis, kulang pa rin ang mga iyon kaya hindi pa rin niya muna inuuna ang sarili.
Sa online talkshow na "Just In" ni Paolo Contis, sinabi ni Kiray na ang mga magulang niya ang pinapahawak niya ng kinikita niya sa showbiz.
“Lahat ng pera ko nasa kanila. By choice, of course,” sabi ni Kiray nang ipakita sa programa ang ilang larawan ng pagreregalo niya ng pera sa kaniyang mga magulang lalo na kapag kaarawan nila.
“Kasi 28 ka na eh. Anong ipon mo sa sarili mo?” diretsong tanong ni Paolo.
“Meron naman. Pero sa ngayon, lahat ng work ko, nasa kanila, na kay mama at papa. Kapag meron lang akong mga raket-raket. Kunwari mga pa-post sa Facebook, ‘yun na lang ang sine-save ko sa sarili ko,” anang Kapuso comedienne.
Mas pinipili pa rin ni Kiray ang unahin ang buhay ng kaniyang pamilya kaysa kaniyang sarili.
“Gusto ko maging okay muna ‘yung buhay ng family ko bago ako maging okay,” lahad niya.
Nilinaw naman ni Paolo kung hindi pa ba "okey" sa ngayon ang pamumuhay ng kaniyang pamilya.
“Hindi pa ‘yon ang gusto ko. I want more. Kasi noong binilhan ko ng bahay ang parents ko, akala ko doon matatapos ‘yung pangarap ko. Kasi noong bata pa ako, ang pangarap ko sa kanila ay bahay. Pero noong natupad ko ‘yun, kaya ko pa palang mangarap ng marami. Kaya hanggang ngayon, nakakatatlong lupa na ako para sa mama at papa ko, aside sa bahay namin,” pagbahagi niya.
Nagkuwento rin si Kiray tungkol sa pagreregalo niya ng pera na base sa edad ng kaniyang mga magulang tuwing kanilang kaarawan.
“Noong tumanda na ako feeling ko every year counts para sa parents ko. Every year, 62 na si papa, P62,000. Kasi naiisip ko tumatanda na ako. Habang tumatanda ako tumatanda sila. Every year, ine-embrace ko na kasama ko sila,” sabi ni Kiray.
Nilinaw naman niyang napupunta rin sa kanilang pamilya ang perang kaniyang ibinibigay sa mga magulang.
“Kasi ‘yung pera ko na nakukuha nila sa work ko, investment ‘yun para sa aming lahat eh. ‘Yun, pang-enjoy nila,” paliwanag niya.
“Kunwari si mama, ‘Oh, mag-tong-its ka.’ Papa ko, ‘Kung mambabae ka, mambabae ka!,’" biro ni Kiray. “Para nag-e-enjoy siya [ama] kasama ng friends niya. At least may panglabas siya.”
Tinanong ni Paolo si Kiray kung binibiro ba ng aktres ang ama na ‘Dad, huwag ka na sanang humabot ng 100.”
Pero sabi ni Kiray, “Uyy! Pangarap ko ‘yon! [umabot ng 100-years-old ang mga magulang niya]”
“Wala ‘yun sa pera. As long as kasama ko ‘yung parents ko, okay na ako,” ani Kiray.
Dahil daw sa nangyaring pandemic na marami ang pumanaw, kabilang ang ilang kakilala niya, sinabi ni Kiray na lalo niyang nakita ang kahalagahan ng buhay at makapiling sa bawat sandali ang mga mahal sa buhay. --FRJ, GMA Integrated News