Siyam na GMA TV projects, kabilang ang "Maria Clara at Ibarra" ang shortlisted sa New York Festivals TV & Film Awards.

Shortlisted ang "Maria Clara At Ibarra" --na hango sa mga nobela ni Dr. Jose Rizal na "Noli Me Tangere" at "El Filibusterismo"-- sa kategoryang Entertainment Program: Drama.

Dalawang dokumentaryo naman ni Atom Araullo ang shortlisted sa Documentary: Social Issues at Documentary: Human Concerns categories.

Ipinalabas sa "The Atom Araullo Specials" ang dokumentaryong "Eye in the Dark" tungkol sa online sexual exploitation ng mga kabataan; at ang "The Missing," na patungkol sa paghihirap ng kalooban ng mga taong may nawawalang mahal sa buhay.

Pasok din ang "I-Witness" documentary na "Black Soldier Fly" para sa Science & Technology category.

Dalawa naman ang entry ng "Kapuso Mo, Jessica Soho." Shortlisted sa Documentary: Human Concerns ang "Eleven" o "Once," na istorya ng isang teenager na lumalaki ang tiyan. Pero ang inakalang bukol, baby pala.

Habang pasok sa Documentary: Health/Medical Information ang episode ng KMJS na "Wounds of Woes," na kuwento ng isang 14-anyos na lalaki na puro sugat ang katawan.

Shortlisted sa Documentary: Environment & Ecology category ang "Born to be Wild: Primate Planet," kung saan ipinakilala ng programa ang katangian ng mga unggoy sa Banton, Romblon at New Israel Makilala, North Cotabato.

Dalawang dokumentaryo rin ang ambag ng  "Reporter's Notebook" sa naturang festival. Pasok sa Documentary: Community Portraits category ang episode na "Our School is Sinking" ("Baha to School"), at ang Runaway Child Bride," na tumalakay sa child marriage sa ilalim naman ng Documentary: Cultural Issues category. —FRJ, GMA Integrated News