Inihayag ni Camille Prats ang kaniyang pakikidalamhati sa mga magulang na nawalan ng kanilang anak, kaugnay na rin sa karakter na ginagampanan niya sa Kapuso afternoon series na "AraBella."
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, kinumusta ni Tito Boy si Camille tungkol sa pagbabalik-acting niya bilang si Roselle makaraang magpahinga sa pag-arte ng ilang taon.
“I was so nervous, I had a lot of crying scenes, I had a hard time memorizing lines,” pag-amin ni Camille. “Ang hirap kalaban ng nerbiyos, parang naba-block lahat ng emosyon.”
Ibinahagi ni Camille na technique niya sa acting ang lumikha ng mga senaryo sa tulong ng mga taong malapit sa kaniyang buhay.
“Hindi ba nakakatakot ‘yan? Hindi ka ba nasasaid minsan ang ginagamit mo ay pamilya?” tanong ni Tito Boy.
Tugon ni Camille, marami siyang naging baon mula sa mga panahong inasikaso niya ang kaniyang pamilya para sa muling paghahanda sa acting.
“Dahil five years akong hindi umarte, nagkaroon ako ng maraming bangko, because my family grew there were so many memories built in those five years. A lot has happened. So every time I try to create scenes in my head, ang dami kong puwedeng paghugutan ng saya, tapos ginagawan ko na lang siya ng drama aspect in my head, I create dialogues, lines with the people that I love and pretend that something hard is happening in our family that will help me,” paliwanag niya.
Sinusubukan daw ni Camille na maka-relate sa kaniyang karakter na si Roselle na nawalan ng anak. Iniisip daw niya na papaano kung mangyari iyon sa kaniya sa totoong buhay.
“Nawalan ng anak itong role ko na si Roselle [sa ‘AraBella’] eh. I have kids, I have a daughter, and I lost a daughter. ‘Yun talaga ang una kong ginamit na idea in my head, like what if I lose Nala for real?’,” saad niya.
“Doon pa lang nagigiba na ako. So every time I come home from work, I have this extra feeling na mas sine-savor ko ang moments with her. Because I feel like it’s really such a blessing to still have her in my life, if sa totoong buhay may mga nanay na nawawalan talaga ng anak. I cannot imagine the pain of that parent going through that,” sabi ni Camille.
Kasama sina Shayne Sava at Althea Ablan, mapapanood ang "AraBella" tuwing 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime. --FRJ, GMA Integrated News