Emosyonal na ibinahagi ni Elijah Alejo ang kaniyang hirap nang itaguyod niya ang kaniyang pamilya, lalo nang magka-cancer ang kaniyang ina na isang single mother. Ang aktres, hindi naiwasang magtanong sa ama kung nasaan ito noong panahong kailangan nila ng tulong.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, tinanong ni Tito Boy si Elijah tungkol sa kaniyang buhay na mapalaki ng isang single mother.
"Hindi po ako magsisinungaling, it's really hard po. Kasi at a young age po nagka-cancer po si mom. Kumbaga po, ako ang breadwinner ng family. At a young age, alam ko na po 'yung responsibilities ko na kailangan kong magtrabaho, not only for me, for my expenses, for my education. Kasi pati 'yung pagpapagamot ng mom ko, sa akin, and 'yung bayad ng bahay kasi nagre-rent kami," pagbabahagi ng "Underage" actress, na nilinaw na walang masama sa pangungupa ng tirahan.
Dahil dito, hindi maiwasang mapatanong ni Elijah kung bakit wala siyang tatay.
"I'm proud po na nakakatulong po ako. Kapag nakikita ko po ang classmates ko noon na sinusundo ng fathers nila, sa akin parang, bakit ako wala? Hindi naman sa hindi ako grateful na si mom ang nag-alaga sa akin. Pero there is a side of me na curious."
Tinanong ni Tito Boy sina Elijah at kapwa niya "Underage" stars na sina Lexi Gonzales at Hailey Mendes kung ano ang gusto nilang itanong sa kanilang tatay na galing sa kanilang puso.
"Bakit wala ka nu'ng kailangan kita, nu'ng kailangan ka namin?" maikli ngunit madamdaming katanungan ni Elijah.
Nauna nang ibinahagi ni Elijah ang mga hamon na kaniyang pinagdaanan bilang breadwinner ng pamilya na nambroblema kung saan kukuha ng panggastos sa mga pangangailangan ng kaniyang pamilya dahil sa kawalan ng proyekto. —VBL, GMA Integrated News