Inihayag ni Ken Chan na panglima na sila sa pamilya ng kaniyang ama. Pero sa kabila nito, wala umano siyang sama ng loob o galit sa kaniyang ama nang malaman niya ito.
“Sobrang pinabago ako ng sitwasyon na ‘yon Tito Boy. I think I became a better person after that. Ako ‘yung tumayo na tatay o padre de pamilya ng pamilya namin simula noong nawala si papa at pinili niya ‘yung ibang pamilya,” sabi ni Ken sa “Back to Back Talk” edition ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.
“At naiintindihan ko siya roon, kasi kami ‘yung pinakahuli eh,” pagpapatuloy ni Ken.
“Why do you understand it? Why do you understand your father na pang-lima kayo?” tanong sa kaniya ni Tito Boy.
“Dahil may nauna sa amin, at talagang dapat lang na piliin niya ‘yung kung sino ang nauna sa amin dahil ‘yun ang tama. At ‘yun ang naiintindihan ko at doon ako nanghuhugot at pinanggagalingan ko,” tugon ng Kapuso actor.
“Nilagay ko ‘yung sitwasyon ko sa kaniya. Sabi ko rin sa sarili ko, kung mangyayari sa akin ‘yun, pipiliin ko rin kung sino ang nauna,” ani Ken.
Sa puntong ito, tila hindi sang-ayon, ngunit may pag-unawa na nakinig si Tito Boy kay Ken.
“Dahil ‘yun ang tama, at ang pagpili sa inyo ay mali? Ano ang kinalaman ng isang anak sa desisyon ng mga magulang? Saan kayo inilagay?” tanong ng King of Talk.
Ayon kay Ken, dumating sa puntong pinapili ng kaniyang ina ang ama kung kaninong pamilya ang sasamahan nito.
“Sa kanila. Dumating sa point na hindi na rin kami masyadong nakakapag-usap ni papa ngayon, pero hindi ako nagtanim ng sama ng loob,” pahayag ni Ken.
“Bakit hindi ka nagalit na pinili ang ibang pamilya at hindi kayo?” tanong ni Tito Boy.
“Actually masaya pa ako Tito Boy kasi may mga kapatid ako sa labas. Masaya ako na marami kami. Pero siyempre para sa nanay ko, masakit ‘yun para sa kaniya,” sagot ni Ken.
“Pero sa akin bilang isang anak, hindi talaga ako nagalit, hindi ako nakaramdam ng sama ng loob sa tatay ko. Honestly, mas naging masaya ako kasi mas malaki ang pamilya ko,” pagpapatuloy ng binata.
Tinapat ni Tito Boy si Ken na tila hindi niya nauunawaan ang opinyon ng aktor.
“I’m trying to understand, but I don’t. I’ll be very honest. Pero iginagalang ko ang iyong opinyon.” --FRJ, GMA Integrated News