Ikinuwento ng Superstar na si Nora Aunor ang mga himala sa kaniyang buhay. Kabilang dito ang nangyari sa kaniya nitong nakaraang Disyembre nang isugod siya sa ospital at tatlo minuto umano siyang "namatay."
"Namatay na ako ng three minutes," pagbahagi ni Nora sa programang "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes.
"Itong mga nakaraan lang, ewan ko, ngayon ko lang sasabihin ito. Kasi ang nangyari noon, 'di ba noong nagkakasakit ako, lalabas ako ng gabi [sa ospital], madaling araw dadalhin na naman ako [pabalik] sa ospital," patuloy niya.
Nang bumaba na umano ang kaniyang oxygen level sa katawan, muli siyang dinala sa ospital.
"So may insidente na sabi ko [sa kasama ko], 'halika na, kasi bumababa na ang oxygen sa katawan’. So takbo na naman [kami] sa ospital," patuloy niya.
Nang dumating sa ospital, nagsabi umano siya sa hospital staff na kailangan lang niya ng oxygen.
"Ang nangyari, hindi ko alam, walang tumulong [sa akin]. Hindi minadali na lagyan ako ng oxygen. Ang nangyari, humiga ako, pagkahiga ko [nawalan na ako ng malay]. Pagkagising ko, nandoon na ako ng ICU," kuwento niya.
Milagrong nagbalik ang kaniyang malay kinalaunan at sinabi umano sa kaniya ng mga kaibigan na masuwerte siyang nabuhay muli.
"Ang sabi sa 'kin, mahal ka ng Diyos, kasi ibinalik ka ulit. Siguro 'yung misyon mo hindi pa tapos," saad ni Ate Guy.
Kilala si Nora sa kaniyang pagganap sa award-winning performance para sa pelikulang "Himala" noong 1983.
Nang panahon na iyon, sinabi ni Nora na nagkaroon siya ng aksidente kung saan nagtamo ng matinding pinsala ang kaniyang sasakyan.
"Ang nangyari pala, 'yung salamin sa harapan, natanggal 'yon sa sasakyan, pero buo. Hindi nabasag. 'Yung manibela naman imbes na tamaan ako sa dibdib, lumihis 'yon sa akin," kuwento niya.
"Wala akong naramdamang sakit. Ang naramdaman ko lang 'yung nauntog ang ulo ko doon sa may bintana," ayon kay Ate Guy.
Itinuturing din niyang himala na nagkaroon muli siya ng boses.
"Tatlong araw po akong [walang boses noon]. Pag gising ko, sigaw ako nang sigaw, wala ako marinig na boses sa 'kin," sabi niya.
"Salita ako ng salita, tanong ako ng tanong, bakit wala akong boses?" dagdag niya.
Nang panahon iyon, labis daw ang takot ni Nora dahil mahalaga ang boses niya sa kaniyang propesyon.
"'Yun lang 'yung inaasahan ng mga tao, na makakakanta ako," paliwanag niya.
Sa kabila ng nangyari, hindi raw bumitaw sa kaniyang pananampalataya sa Diyos si Nora. —FRJ, GMA Integrated News