Mula sa pagiging masayahin, naging seryoso at emosyonal si AiAi delas Alas nang mapag-usapan sa "Fast Talk With Boy Abunda" ang tungkol sa kaniyang adoptive mother na si Mommy Justa na pumanaw noong nakaraang taon na wala siya sa Pilipinas.
Sa naturang episode ng programa nitong Biyernes, tinanong ni Tito Boy kung bakit wala si AiAi sa Pilipinas noong pumanaw ang kaniyang Nanay Justa sa edad 93.
"Noong nawala siya, June 21 nandoon ako sa bahay sa Pilipinas, nag-'I love you' kami. Sabi ko, 'Mama I miss you.' Sobra kaming nagmahalan. Tapos lumipad ako. Paglipad ko, namatay na siya kinabukasan. Parang hinintay niya lang ako,” paliwanag ni AiAi.
Paniwala ni AiAi, baka sinadya ng kaniyang ina na "umalis" nang wala siya sa Pilipinas para hindi siya lalong masaktan.
"Dati noong naopera 'yon, naopera siya sa tiyan niya, tuwing iiyak ako, sinasabi niya sa akin, 'Be brave, don’t cry anak, be brave.' Ayaw niya akong umiiyak. Siguro kaya noong umalis siya, ayaw niya nandito ako kasi alam niyang sobra akong iiyak, as in sobra akong iiyak," anang Kapuso Comedy Queen.
Mas napagtanto pa raw ni AiAi na labis niyang mahal ang kaniyang Nanay Justa nang mawala na ito.
"Mahigpit 'yung adoptive mom ko. Pero nu'ng nawala siya na-realize ko na mahal na mahal ko pala ang nanay ko. Kasi dati para kaming aso't pusa, parati kaming nag-aaway, marami kaming differences. Doon ko na-realize, 'ah mahal na mahal ko pala siya.' Kaya pala siya gano'n kasi gusto niyang mapabuti ako," paliwanag niya.
Ibinigay umano ni AiAi ang lahat para mabigyan ng magandang libing ang kaniyang Nanay Justa.
Nagtatrabaho ngayon si AiAi bilang isang activity director, kung saan nagbibigay siya ng kasiyahan sa mga nakatatanda sa US.
Paraan niya raw ito para makabawi sa kaniyang mga pagkukulang sa kaniyang tunay na ina, at kay Nanay Justa.
"Isa 'yon sa gusto ko namang mangyari kasi binigay sa akin ni Lord na, 'Dito ka magtrabaho kasi kilala kita.' 'Yung ibang naging pagkukulang ko sa biological mom ko tsaka sa nanay ko, naibibigay ko roon lahat,” saad ni AiAi.
Naninirahan na sa Amerika si AiAi, kasama ang kaniyang asawang si Gerald. Nauna nang sinabi ni AiAi na 2015 pa ng nakakuha siya sa green card at ngayon lang niya ito ginagamit nang husto.--FRJ, GMA Integrated News