Humingi ng paumanhin si AiAi delas Alas kay Quezon City Mayor Joy Belmonte kung nasaktan man niya ang damdamin ng alkalde dahil sa isang campaign video na ginawa noong Eleksyon 2022. Paglilinaw niya, ginawa lang niya ang nakasaad sa script bilang artista.
Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, tinanong ang aktres kung maaari nilang pag-uusapan ang pagdedeklara ng Konseho ng Quezon City kay AiAi na "persona non grata."
“Hindi ba puwedeng huwag?” biro ni AiAi kay Tito Boy. “Bilang persona non grata, una sa lahat hindi ko talaga alam ang meaning no’n. Nalaman ko na lang noong dineclare pala akin.”
“Kasi noong ginawa ko po ‘yun [video commercial], bilang artista po. Tapos sila naman ang gumawa ng script no’n, sina direk (Darryl Yap) at saka sila,” pagpapatuloy ng Kapuso Comedy Queen.
Sinabi rin ni AiAi na nagpa-edit pa siya ng script para iwasang masaktan ang damdamin ni Mayor Belmonte.
“‘Yung iba doon talagang pina-edit ko, kasi ang alam ko baka ma-offend si Mayora,” paglilinaw ni AiAi.
Dito na humingi ng paumanhin si AiAi sa alkalde.
"But since 'yun na nga, na-offend siya. Pasensiya na Mayora na ako pala ay nakasakit sa 'yo. Pero artista lang ako. Kaya ginawa ko 'yon, kasi inutos lang sa akin," sabi ni AiAi.
Hindi rin naiwasan ni AiAi na magtaka dahil, "Biglang bati na sila ni direk, hindi kami bati. Bakit ako naiwan sa ere, bakit kayo ang bati?"
"Mayora, alam mo dapat hindi ka na magtampo sa akin. Kasi kapag nagtampo ka sa akin, para kang nagtampo sa sarili mo. Eh 'di ba magkamukha tayo?” biro pa ni AiAi kay Mayor Belmonte.
Ang tinutukoy na video ni AiAi ay ang campaign video ng pag-endorso sa isang kandidato na tumakbong mayor sa Quezon City. Sa video, gumanap si AiAi bilang si Honorable Mayor "Ligaya Delmonte" na idinirek ni Yap.
Matapos lumabas ang naturang video, idineklara ng Quezon City Council na persona non grata sina AiAi at Yap.
Ang konseho ay lupon ng mga konsehal, na pinangungunahan ng bise alkalde. --FRJ, GMA Integrated News