Inihayag ni David Licauco na dahil sa mainit na suporta ng fans sa love team nila ni Barbie Forteza na “FiLay,” naiba ang script ng “Maria Clara at Ibarra” tungkol sa kanilang mga karakter. Magkatuluyan kaya sina Fidel at Klay sa “endgame” ng hit series?
“Unexpected talaga lahat ng ito eh. Initially, hindi naman kami dapat ang mag-e-end up,” sabi ni David sa Kapuso Showbiz News.
“In fact sa script, kumbaga naiba ang script eh, kasi they wanted us to be ‘yung end game ng show,” dagdag ni David.
Inihayag ni David ang kaniyang paghanga sa mga magagaling na director at writer ng programa na bumuo ng formula sa tagumpay ng naturang historical portal fantasy series.
“So kung meron kang ganu’ng caliber of directors and writers, for sure kahit naman sino na mag-play ng character na Fidel ay makikilala,” ayon kay David.
Dahil sa series, muling nabuksan ang interes ng viewers na pag-aralan ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal.
“Interesting kasi siya eh. We’re all studying El Fili and Noli Me Tangere during high school. So by its name pa lang, mai-intrigue ka na. Kumbaga ang awareness nandu’n na, hindi mo na kailangan i-market siya… Since maganda ‘yung product, maganda ‘yung show, maganda ‘yung concept, kaya siguro tumagal ‘yung mga manonood,” anang aktor.
Nang tanungin kung ano ang natutunan o natuklasan ni David sa pagiging bahagi ng serye, birong sagot ng aktor, “That I can also act.”
Inihayag din ni David na magkakaroon sila ng pelikula ni Barbie.—FRJ, GMA Integrated News