Kahit walang inilagay na subsidiya para sa 2025 sa ilalim ng pambansang pondo ng gobyerno, inihayag ng pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na itinaas nila ng 50% ang nasa 9,000 health packages, maging ang transplant at angioplasty na sakit sa puso.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon press briefing nitong Lunes, sinabi ni Israel Pargas, PhilHealth Senior Vice President for Health and Finance Policy Sector, na ang bagong health packages ng ahensiya sa unang araw ng Enero 2025.
“Ito po ay will be composed of around 9,000 case rate packages na in-increase natin ng 50%...starting January 1 admissions,” ayon kay Pargas.
Nakasaad sa PhilHealth Circular No. 2024-0037, na ang pagtaas ay ginawa “to increase support value, decrease out-of-pocket payment (OOP), increase financial risk protection, and ensure the effective delivery of high-quality health services.”
“Furthermore, it effectively reinforces case-based payments and adjusts case rates to align with health inflation, demonstrating a strong commitment to improving healthcare affordability and access,” ayon sa circular na pirmado ni PhilHealth president and CEO Emmanuel Ledesma Jr. noong December 23, 2024.
Kasama sa tinaasan na bayarin sa ospital na sasagutin ng Philhealth ang low-risk pneumonia, na mula sa dating P19,500 ay ginawang P29, 250.
Ayon kay Pargas, mahigit 50% naman ang itinaas sa sasagutin ng PhilHealth para sa kidney transplant at angioplasty na konektado sa heart attack.
“Iyong pong kidney transplantation package na dati po ay P600,000, ngayon po ay ay aabot siya ng P800,000 to P2 million benefits package po,” saad ng opisyal.
“...Iyong tinatawag na angioplasty na around P30,000 benefit ang ating package, ngayon po ay aabot na siya sa P530,000,” dagdag niya.
Ngunit hindi kasama sa adjustment ang mga sumusunod:
- Benefits packages that are being rationalized such as acute stroke (ischemic, hemorrhagic); pneumonia (high risk); neonatal sepsis; bronchial asthma in acute exacerbation; severe dengue; ischemic heart disease - acute myocardial infarction; Covid-19
- Benefit packages that are being re-costed and are scheduled for adjustment (example: breast cancer)
- Newly approved benefits packages starting 2023 (example: outpatient package for mental health)
- Cases that are identified to have high risk for moral hazard and/or adverse incentives (example: cataract procedure, hemodialysis)
- Benefits packages that are paid through other provider payment mechanisms (example: Konsulta)
Kasabay nito, sinabi ni Pargas na kasama na sa babayaran ng PhilHealth ang bayarin ng pasyente na hindi kailangang maratay sa pagamutan o outpatients.
“Iyon pong mga pasyente na nadadala sa emergency room pero hindi na-a-admit, wala po silang mga benepisyo before. Pero ngayon po, we came out already with an emergency care package…hindi kinakailangang ma-confine. Iko-cover at babayaran na rin po natin siya,” sabi ni Pargas.
Noong February 14, 2024 nang itaas ng Philhealth sa 30% increase ang lahat ng benefit case packages.
Sa ginawang pagpasa sa 2025 national budget, inalis ng mga mambabatas ang subsidiya ng gobyerno sa Philhealth dahil mayroon naman itong P600 bilyong reserbang pondo na maaaring gamitin.
Kinatigan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang naturang desisyon ng mga mambabatas dahil naniniwala siya na sapat ang pondo ng PhilHealth.—FRJ, GMA Integrated News