Matapang na inihayag ni Sunshine Cruz na isa ang trust o pagkawala ng tiwala ang dahilan kaya nauwi sa hiwalayan ang relasyon niya kina Cesar Montano at Macky Mathay.

"Ang na-realize ko lang dito sa relationships, and even with my ex-husband Cesar (Montano), tatlo ang importante sa relationship, hindi lang love. Dapat nandu'n ang trust, nandu'n ang respect. 'Pag meron isang nawala doon, it's not going to work,” sabi ni Sunshine sa “Fast Talk with Boy Abunda.

Sa edad kong ito, I'm 45 years old, hindi na dapat pa pinatatagal. Of course you give second chances, third chance, hanggang 10th pa nga na beses magbibigay ka eh," pagpapatuloy ni Sunshine.

"Pero at end of day, mari-realize mo na wala nang patutunguhan ang relationship. And you just have to be thankful for the years you've been together, naging maganda 'yung pagsasama ninyo, nagmahalan kayo, naging inspirasyon kayo sa isat' isa," ayon sa aktres.

Tinanong ni Tito Boy kung alin sa love, trust at respect ang nawala sa relasyon ni Sunshine kina Cesar at Macky.

“Trust,” tugon ni Sunshine tungkol kay Macky. “Trust din,” sagot niya tungkol naman kay Cesar.

Paliwanag ni Sunshine: “Of course when I was with Cesar, I wanted to grow old with him. Gusto ko nga hanggang pagtanda ko siya na. Ganoon din with Macky. After Cesar, I waited. Actually dumating na lang 'yan, hindi ko naman inaasahan, almost four years separated ako kay Cesar noong dumating si Macky. I wanted to grow old with him as well,” paglalahad niya.

“Pero kahit magplano tayo sa buhay natin, pero kung hindi  talaga 'yun ang destiny, hindi mangyayari,” ayon kay Sunshine.

Sa kabila ng mga nangyari sa kaniyang mga pinasok na relasyon, nagtitiwala si Sunshine sa plano sa kaniya ng Maykapal at pinagtutuunan na niya ngayon ng pansin ang kaniyang mga anak.

"And I just have to believe na kung ano man... I'm sure mayroong ibang plano si God para sa akin. Kung ano man 'yun, hihintayin ko. Kung may dumating, okay lang. Ang importante andiyan ang mga anak ko, mahal ko, mahal ako ng mga anak ko. Doon na lang, nagfo-focus ako. I have work, hindi ako nawawalan ng proyekto, and that's all that matters," sabi ng aktres.

“Because trust issue kayo ni Macky. Yes or no, was there a third party involved?” diretsahang tanong ni Tito Boy.

“Parang wala ako sa posisyon na magsalita tungkol diyan," sagot ni Sunshine.

Paliwanag ng aktres, "I chose to be quiet because mayroong mga bata na involved, mga anak niya na napamahal na sa akin, and 'yung mga anak ko na napamahal kay Macky.

Patuloy ni Sunshine, "Nag-decide akong maging quiet na lang kasi hindi naman talaga alam ng publiko kung ano ang pinagdadaanan namin or kung ano ang ang pinagdaanan ko. Feeling ko hindi na dapat talaga ma-involve ang publiko dito." --FRJ, GMA Integrated News