Bumuhos ang luha ni Paolo Contis nang mapag-usapan sa "Fast Talk with Boy Abunda" ang kaniyang inang maysakit. Pag-amin ng aktor, may pagkakataon na nabigo siya sa pangako niya sa kaniyang pumanaw na ama na aalagaan niya ang kaniyang ina.
Sa episode ng programa na ipinalabas nitong Lunes, napag-alaman na dinala sa ospital ang ina ni Paolo bago pa isagawa ang naturang panayam.
Ayon kay Paolo, maayos naman na ang kalagayan ng kaniyang ina pero kailangang sumailalim sa ilang pagsusuri. Pumayag din ang kaniyang kapatid na sandali siyang aalis para sa naturang panayam.
Nang tanungin ni King of Talk kung ano ang mensahe ni Paolo sa kaniyang ina, dito na naging emosyonal ang aktor lalo na nang ibahagi niya ang pangako niya sa kaniyang pumanaw na ama.
"I love you. I promise nung nawala si papa na I' will take care of you. Pangako ko 'yun na habambuhay kitang aalagaan and somehow I failed," pag-amin ni Paolo.
"Maging ok ka lang dire-diretso bago ka mawala ipapakita ko sa'yo yung pagbabago ko. Totoo 'yon," patuloy niya.
Pagbahagi pa ni Paolo, mas nakakausap niya noon ang kaniyang ama kaysa sa kaniyang ina. Pero bago raw pumanaw ang kaniyang ama, sinabihan siya nito na huwag sasama ang loob niya sa kaniyang ina, at huwag niya itong pababayaan.
"Ipinangako ko kay papa na bago mawala si papa, sinabi niya na you take care of your mom. During that time na maysakit si papa, hindi kami ok ni mama. Kami ni papa nagkikita kami sa labas," ayon kay Paolo.
"Sabi niya [ama], never hate your mom, you take care of your mom. I hope now its enough eventually sana makita ni mama na lahat naman ng kaya..." ani Paolo.
"Sorry for evertyhing. Sorry sa mga kalokohan, mali, sa mga palpak. Sorry for hating the fact na minsan sinasamahan mo ko sa taping. Lahat 'yon na-appreciate ko ngayon, lahat. Lalo na nang hindi na siya nakakalakad, naa-appreciate ko lahat 'yon," patuloy niya. --FRJ, GMA Integrated News