Inihayag ni Andrea Torres na layunin niyang protektahan ang karakter ni Sisa sa "Maria Clara at Ibarra," para mabuksan ang kaisipan ng viewers na hindi siya basta isang baliw na karakter lamang na nilikha ni Jose Rizal.
“Parang always joke [si Sisa]. So sabi ko, ‘Parang meron siyang motherly side e,’ and there's always a reason behind everyone's actions. At least magkaroon man lang ng ganoong realization [yung viewers] na, ‘Ah, hindi lang siya baliw. It’s reasonable why she's acting that way,’" sabi ni Andrea sa panayam sa kaniya ng Cosmopolitan Philippines.
"Baka hindi siya baliw, baka she's just reacting to what's happening. Kung ikaw naman yung nandoon sa situation na yun as a mom, hindi mo na rin alam, tsaka wala kang tulog, wala kang kain for days kaya ganun yung emotions mo,” dagdag ni Andrea.
Kaya naman mabusising pinag-aralan ni Andrea si Sisa para maayos niya itong magampanan.
“I really studied the role. The day after the story conference, I asked for a workshop, and then I would still go to workshops until kunan na 'yung eksena ko. For me, it's better to come overprepared. There's always that pressure because it's an iconic scene and an iconic line, pero doon ko na lang kinuha yung confidence ko that I prepare," anang Kapuso actress.
At sa kaniyang pananaliksik, hindi rin maiwasan ni Andrea na maapektuhan sa sinapit ni Sisa, na isa sa mga karakter sa nobelang Noli Me Tangere.
"‘Yun ang pinaka naging hugot ko, everything that I researched about her… Sobrang traumatized [ni Sisa], one traumatizing event after another. I was affected by that, and I felt that she wasn't protected in the story. So it's my duty to protect her image to the people who will watch her won't make fun of her.”
May pasabog si Andrea matapos siyang maging cover star ng Cosmopolitan Philippines para sa isyu ngayong buwan. —VBL, GMA Integrated News