Kasamang naikuwento ni Marian Rivera sa "FastTalk with Boy Abunda" ang pagdadala niya noon ng mga prepaid card at siya mismo ang nagkakaskas para ma-loadan ang kaniyang cellphone nang nagsisimula pa lang silang magtambal ni Dingdong Dantes.
Pag-amin ng Kapuso primetime queen, sinusungitan niya noon ang Kapuso primetime king sa unang proyekto nilang "Marimar."
Masayang pagbabalik-tanaw pa ng aktres, sinabihan din siya ng aktor ng suplada dahil hindi umano siya sumasagot sa text noong ginagawa nila ang "Dyesebel."
"'Ang suplada mo naman, tine-text kita bakit hindi ka nagre-reply? Siguro naka-prepaid ka lang," kuwento ni Marian sa tinuran sa kaniya ni Dingdong.
Ayon kay Marian, totoo na naka-prepaid card siya noon at marami siyang binili noong nasa isang isla sila ng Palawan.
"So bumili ako ng maraming cards. So 'pag wala na akong [load] pupunta ako sa dulo nagkakaskas ako para mag-load ako," natatawang sambit ni Marian.
"So affected ako sa sinabi niya na siguro naka-prepaid ka lang kasi totoong naka-prepaid ako," anang aktres.
“Kaya sabi ko, kapag sumuweldo ako, after nito, magla-line na ako, kaya naka-line na ako noon after,” patuloy niya.
Nangyari iyon na hindi pa magkarelasyon ang dalawa. At nagsimula man sa pagsusungitan at hindi pagpapansinan, nauwi naman sa pag-iibigan sina Marian at Dingdong na ikinasal noong 2014.
Mayroon na silang dalawang anak na sina Zia at Ziggy.
Sa naturang panayam din, nagpapasalamat si Marian na natupad ang pangarap niya na kompletong pamilya.
"Every morning, sinasabi ko talaga, ang dream ko talaga is to have a complete family which is I don't have talaga before," ani Marian.
"Every morning, gumigising ako na nandiyan 'yung dalawang anak ko and Dong na sabi ko 'Lord, salamat sa pagpapala at biyayang ito,'" patuloy niya.--FRJ, GMA Integrated News