Walong taon na bilang mag-asawa, makikita pa rin ang tamis ng pagmamahalan nina Marian Rivera at Dingdong Dantes sa isa't isa. Ano nga ba ang sikreto sa kanilang matatag na relasyon?

"Palagi kasi kaming may heart to heart talk ni Dong eh, tsaka palagi kaming may update kung ano ang nangyari sa aming dalawa. Very open kami sa lahat ng bagay,” pagbabahagi ni Marian sa podcast na Updated with Nelson Canlas.

Tinitiyak nina Marian at Dingdong na nakakapag-date pa rin sila.

“Lahat naman, kung gusto talaga, may paraan eh. So talagang pinag-usapan namin ni Dong no matter what happens gaano man kami ka-busy, dapat talaga palagi kaming may time sa isa't isa."

Ayon kay Marian, mahalaga rin ang give and take sa isang relasyon, at ang pag-uunawaan ng kanilang mga prayoridad.

"Kailangan din talaga ng give and take, at mahalagang naiintindihan mo ang trabaho ng asawa mo at ganu'n din siya sa akin, kung ano ang priority niya sa priority ko. At ang maganda niyan, nagkakasundo kaming dalawa sa mga bagay bagay na gusto naming iprayoridad,” anang Kapuso Primetime Queen.

Natanong din si Marian kung may mga pagkakataong nainis na rin siya sa kaniyang asawa?

"Parang hindi naman ako naiinis sa kaniya. Pero wala namang factor na nakakainis siya. Kasi si Dong, 'yung personality niya ano siya eh, ang galing nga eh, kasi kung minsan may mga pagkakataon na pagod siya, ako ang bahala. Kapag may mga pagkakataon na pagod din ako, siya naman ang nandiyan para sa akin. So talagang in a relationship talaga, kailangang give and take, wala 'yung lalaki siya, babae ako. Sa relationship dapat walang ganu'n, dapat pantay."

"Kung kaya mo pa ngang higitan ang pagmamahal ng partner mo mas maganda. Kasi mas maganda na gini-give mo lahat para mas maramdaman niya, lalo na kung asawa mo. Dapat wala talagang hold back, kailangan you give everything for them," dagdag ni Marian.

Ikinasal noong Disyembre 30, 2014 sina Marian at Dingdong sa Immaculate Conception Cathedral sa Cubao, Quezon City. May dalawa na silang anak, na sina Zia at Ziggy. —VBL, GMA Integrated News