Ipinagtapat ni Yasmien Kurdi na sumagi sa isip niya noon na mag-quit na sa showbiz para tutukan ang pagiging nurse. Pero may mga nagpaalala sa kaniya na hindi niya basta matatalikuran ang pagiging artista.
"Before pa noong dumating si Ayesha, pinag-iisipan ko na po talagang mag-quit ng showbiz," pagbabahagi ni Yasmien sa podcast na "Updated With Nelson Canlas."
"Naiisip ko dahil during that time, 'yung course ko was nursing, I was taking up nursing and then sabi ko sa sarili ko na, tatapusin ko itong course na ito and then magbo-board ako siguro sa US, and then lilipat na ako sa mga tita ko sa Guam," ayon kay Yasmien tungkol sa kaniyang plano noon.
Ayon sa kaniya, nakaramdam siya na tila may kulang sa kaniyang buhay, at pagka-insecure sa mga nakakapagtapos sa kolehiyo.
"Dumating ako sa ganoong part ng life ko na parang may missing part na gusto mong gawin, gusto mong maging masaya pero hindi ka na masaya sa ginagawa mo. 'Yun ang time na sasabihin ko sa sarili ko na ayoko nang mag-artista, kasi dumating sa time na nabu-burnout ka na, kasi nga ang dami kong ginagawa eh during that time," anang "Start-Up PH" actress.
Isa sa mga pagsubok na pinagdaanan ni Yasmien noon nang kailangan niyang pag-aralin ang sarili sa kolehiyo, kaya siya maagang nagtrabaho.
Ngunit nang maging artista na, hindi naman niya matapos ang kaniyang pag-aaral dahil sa mga showbiz commitment.
"Nai-insecure ako roon sa part na hindi ko matapos-tapos 'yung college ko. Nai-insecure ako sa mga kaklase ko before," ayon kay Yasmien.
Dahil dito, nagdesisyon si Yasmien na ipa-terminate na ang kaniyang mga kontrata sa showbiz at ituon na ang pansin sa pag-aaral.
Ngunit kahit saan man mapunta, nakikilala pa rin si Yasmien bilang aktres.
"Pero noong time na nagdu-duty na ako sa hospitals, ang lagi kong naririnig sa mga tao, ''Yung artista dati oh ''Yung dating artista.' Na-realize ko na kahit saan ako pumunta, kahit mag-quit ka pa ng showbiz, forever kang artista. Once pumasok ka ng showbiz, nakatatak na 'yan sa'yo, artista ka forever," saad ng First Princess ng kauna-unahang Starstruck.
"Noong time na 'yun hindi ko nari-realize na ang swerte ko pala. Ang swerte pala ng status ko. Ito 'yung binigay ni Lord, pero iba 'yung hinahanap kong path. Medyo hinahanap ko pa 'yung sarili ko noong mga panahon na iyon."
Dati nang nag-aral si Yasmien ng Foreign Service at Nursing. Noong 2019, nakapagtapos siya bilang magna cum laude sa kursong AB Political Science sa Arellano University.--FRJ, GMA Integrated News