Girl power ang masasaksihan sa GMA upcoming action-packed series na pagbibidahan nina Sanya Lopez, Gabbi Garcia, Michelle Dee, Arra San Agustin, Rochelle Pangilinan, at kasama si Kylie Padilla.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabing nagsasanay na sina Sanya, Gabbi, Michelle, Arra at Rochelle para sa kanilang fight scenes.
"Oh my gosh Encantadia ba ito? Para kasing bumalik talaga sa amin lahat na... remember noong nag-uumpisa pa lang tayo sa Encantadia, kung paano rin tayo nag-training noon. Tungkol ito sa drama, sa love story, historical din ito at fantasy din, halos nandoon lahat, lalo na ang action, nandito," sabi ni Sanya.
"Lahat ng bata, matanda, mommy, daddy, lahat, buong pamilya, talagang magkakasundo kapag pinanood ito," dagdag ni Sanya.
Araw-araw ang pagsasanay ng grupo sa arnis dahil sa hindi birong fight scenes.
Si Gabbi, nag-umpisa nang maghanda para sa mga pisikal, mental, at emosyonal na nakakapagod na mga eksena.
Proud moment naman ito para kay Gabbi na magsilbing instrumento ng isang empowered woman.
"Very brave sa mga ganitong klaseng concept and talagang in-embrace nila ang women empowerment, lalo na ang cast na ito, very powerful. When you feel good about yourself and you're confident and you don't let other people dictate who you are, empowered ka talaga. We have bad days pero at the end of the day you still strive to be confident," sabi ni Gabbi.
Biruan nga nila sa set, nagkasama na ang "magkambal" o magkahawig na sina Gabbi at Michelle.
Naniniwala si Michelle na lalabas lalo ang kaniyang pagiging competitive sa Kapuso series.
"My character kasi, she's super, super good at what she is known for. She is highly combative, very action-packed. I have a really good background kasi on sports, being athletic, so mabilis sa akin 'yung hand-eye coordination," sabi ni Michelle.
Halong kaba at excitement naman ang nararamdaman ni Rochelle, na kailangang matuto ng bagong sport at skills para sa show.
"Talagang may laban ang mga babae dito. Kailangan kong matutunan dito ay kung paano mangabayo at kung paano pumana. Doon ako nae-excite, kasi never ko siyang nagawa, sa lahat ng roles, ito 'yung bago rito," sabi ni Rochelle.
Unang beses at bago rin para kay Arra ang magiging role niya para sa bagong show.
"'Yung first day namin ng training, gutom na gutom ako. As in 'pag nagwo-workout ako, 'yung workout ko 'yung kunwaring mga bike, spinning, sobrang nakakapagod 'yun 'di ba? Hindi ako nagugutom after, as in wala akong appetite. Ito talaga, gutom ako kasi gumagana 'yung utak mo, kailangan gumana ng utak mo sa mga arnis, na kapag napapanood mo sa TV parang ang dali-dali lang, pero hindi," sabi ni Arra.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News