Pang-international na ang kalibre sa acting ng Kapuso star na si Glaiza de Castro. Bukod kasi sa napanalunang best actress award sa California, USA, may ginagawa pa siyang movie ngayon sa Canada.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing itinanghal si Glaiza na best actress winner sa 29th Filipino International Cine Festival sa San Francisco, California para sa pinagbidahan niyang pelikula na "Liway."
Bukod kay Glaiza, nagwagi rin para sa pelikula sina Kenken Nuyad bilang "Best Actor," si Dominic Rocco bilang Best Supporting Actor, at Kip Oebanda bilang Best Director.
Nanalo rin ng Best Screenplay si Kip kasama ang Kapuso director na si Zig Dulay.
"After four years na nakatatanggap pa rin 'yung Liway ng recognitions. Nakarating na kami ng States," sabi ni Glaiza.
Muling kinilala ang galing ni Glaiza de Castro matapos siyang magwaging Best Actress sa ika-29 Filipino International Cine Festival sa San Francisco, California para sa pinagbidahan niyang pelikulang "Liway."
Nasa kasagsagan ng shooting si Glaiza sa Canada nang mabalitaan niya ang kaniyang pagkapanalo sa California.
Sa Toronto mismo binubuo ang naturang film project ni Glaiza, na collaboration ng isang Canadian group at ng Canadian government.
"Masaya kasi may mga kababayan tayo. Meron ding ibang people from like Russia. So ibang work ethics, sobrang efficient," sabi ni Glaiza.
Ang pelikula ay tungkol sa mag-asawang sumubok ng bagong buhay sa Canada.
"Napilitan siyang magtrabaho sa warehouse, kaya nandito po kami sa warehouse ngayon... They were just trying to survive," anang Kapuso actress na nasa location shoot nang sandaling iyon.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News