Lingid sa kaalaman ng lahat, may itinatago ring talento ang Kapuso journalist at host na si Susan Enriquez sa pag-awit at nagwagi pa siya noon sa contest.  

Sa isang episode ng "Bawal Judgmental" segment ng "Eat Bulaga," ikinuwento ni Susan na nanalo siya noon sa isang barangay singing contest.

Dahil hindi "madaling mapaniwala" ang EB dabarkads, inawit ni Susan ang kaniyang winning song na "Ibang Ligaw."

Napag-alaman din na isang celebrity na farm owner si Susan, na mula sa pamilya ng mga magsasaka.

Kuwento niya, nasa Indang, Cavite ang nabili niyang lote. Isa raw talaga itong malaking lupain at naghati-hati silang magkakaibigan para mabili ang lupa noong 2018.

Isinagawa nila ang development sa lote noong 2020 at ito ang kaniyang pinagkaabalahan nang panahong iyon.

Kabilang sa kanilang mga tanim doon ay avocado, santol, bayabas, guyabano, langka at buko.

Ayon kay Susan, magsasaka ang kaniyang pamilya, mula sa kanilang lolo at ama.

"Hanggang ngayon, every weekend, doon kami sa farm, buong pamilya," saad ng Unang Hirit anchor.--FRJ, GMA Integrated News