Dream come true para sa Sparkle star na si Elijah Alejo ang Beauty and the Beast themed ng kaniyang 18th birthday party celebration.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News “24 Oras” ngayong Lunes, sinabing nabighani ang mga guest kay Elijah dahil sa mala-prinsesa niyang gown. Achieved din ang dekorasyon hanggang sa cake na inspired sa famous fairy tale.

Sinabi ni Eli na dream come true ang magbihis ala-Belle sa kaniyang yellow gown.

“Kasi ito po ang favorite Disney movie ko. Si Belle po ang favorite Disney princess ko. Kasi I can relate to her kasi mahilig din po akong magbasa ng books,” anang dalaga.

Dumalo ang kaniyang pamilya pati ang ilang malalapit na showbiz and non-showbiz friends tulad ng kaniyang co-stars sa "Prima Donnas" na sina Althea Ablan at Jillian Ward.

“Parang two years old pa lang po magkasama na kami. Nag-VTR for commercials hanggang naging artista po kami pareho, hanggang ngayon. So, sana nga po hanggang maging lola po kaming dalawa magkasama pa rin kami po kami,” saad ni Jillian

Naroon din ang co-stars ni Elijah sa upcoming na Kapuso drama series na “Underage” na sila Lexi Gonzales, Gil Cuerva, Sunshine Cruz, Snooky Serna, Jome Silayan, Vince Crisostomo at Mae Bautista.

Bahagi rin ng 18 traditions sina Geneva Cruz, Rod Jun Cruz at Kris Bernal.

“Lahat talaga ng projects na ginagawa niya, pinagbubutihan niya at nag-shine siya kaya proud na proud ako sa kaniya,” pahayag ni Rod Jun.

“Stay humble. Always keep your feet on the ground and sana magkatrabaho ulit tayo,” dagdag naman ni Kris.

Special guests din sa celebration sina GMA First Vice President for Program Management Joey Abacan, Sparkle Consulting Head for Talent Imaging and Marketing Lawrence Tan at iba pang mga opisyal.

Samantala, nagpaandar naman si Eli sa kaniyang 18 roses nang magpalit ito ng 18 outfits. Humataw din ang debutant sa dance floor sa program finale.

Kuwento ni Eli na ngayong nasa legal age na siya, puwede na raw niyang gawin ang matagal niyang gusto, ang matutong mag-drive ng sasakyan.

Looking forward na rin siya sa pagbibidahang serye na "Underage."

“Kaawaan niyo po siya. Iba po talaga. Kung dati po sa 'Prima Donnas' isa po ako sa mga nang-aapi, ngayon po dito sa 'Underage,' ako na po ang isa sa mga inaapi,” anang ng dalaga.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News