Grateful at mas na-appreciate ng Kapuso actor na si Dennis Trillo ang kaniyang karakter na si Crisostomo Ibarra matapos niyang malaman ang kuwento nito.
“Doon pa lang sa mga masasaklap na nangyari sa buhay niya parang more or less malalaman mo na kung paano siya i-arte dahil matindi 'yung mga pinagdaanan niya eh,” sabi ni Dennis sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras."
Masaya si Dennis sa mainit na suporta ng mga nanonood sa teleserye na "Maria Clara at Ibarra" na tumatanggap ng mataas na rating.
“Nakakatuwa na napapansin nila lahat ng paghihirap nung... 'di lang mga artista kundi pati mga tao sa likod ng camera…mga staff, crew. Lahat ng tao na nagpapaganda nitong buong proyekto,” sabi ng aktor.
Kuwento ni Dennis hindi dapat ma-miss ng kanilang fans kung paano malalaman ni Maria Clara kung sino nga ba ang nakatira sa bahay ng nobyo.
“Lalo na after noon…kung paano nagpaliwanag si Crisostomo Ibarra at paano niya ipinaliwanag at ano ang mga sikreto na inamin niya at itanago niya noon sa kaniya,” dagdag ni Dennis. -- Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News