Tutok na tutok na nanood ang Grade 3 students ng "Maria Clara at Ibarra" habang kanilang recess sa Tarlac City.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, makikita sa video ni Teacher Charlaine Sese na nanonood ang kaniyang mga estudyante, sa halip na maglaro sa recess.

Ang mga estudyante mismo ang pumiling manood ng episodes ng Maria Clara at Ibarra, na naka-post sa official YouTube account ng GMA Network.

Pinagbigyan ni Teacher Charlaine ang kanilang kahilingang manood dahil marami silang natututunan.

Dagdag ng guro, maganda itong pagkakataon para magkaroon ang mga mag-aaral ng ideya tungkol sa “Noli Me Tangere,” na hindi pa itinuturo sa Grade 3.

Nakatulong din ang series para mabuhay ang interes ng mga bata na mag-aral ng kasaysayan. — Jamil Santos/VBL, GMA News