Kasunod ng anunsiyo tungkol sa reunion concert ng The Eraserheads, nabuhay din sa social media ang kontrobersiya tungkol sa gitarista ng banda na si Marcus Adoro, partikular ang umano'y isyu ng pang-aabuso.

Sa pinakabagong episode ng podcast na "Offstage Hang," sinabi ng drummer ng Eheads na si Raymund Marasigan, na inaasahan na nila ang paglabas muli ng naturang usapin.

"Because of this show, people will discuss, people will argue, people will fight, people will boycott — that's OK. Kasali 'yon," sabi niya sa co-host na si Daren Lim.

"When we agreed to do the show, we know all of these can happen and kasali 'yon. I will not invalidate people's opinions nor feelings," patuloy niya.

Gayunman, iniwasan ni Raymund na magbigay ng sarili niyang opinyon sa publiko tungkol sa kinasasangkutang kontrobersiya ng kaniyang kabanda.

"If you're my friend, text me and I will discuss it with you privately, because anything I say publicly online can be misconstrued," paliwanag niya.

"Now after saying that, I want to protect everybody's privacy, everybody involved. And honestly, in my heart, I want them to resolve it and have peace of mind and heart," sabi pa ni Raymund.

Para kay Raymund, "private matter" ang naturang usapin kaya hindi niya nais pag-usapan sa publiko.

Noong 2019, inihayag sa social media ng anak ni Marcus na si Syd Hartha ang tungkol sa umano'y pang-aabuso na naranasan niya sa isang tao na tinukoy niya na si "Makoy."

Ibinahagi rin noon ni Hartha ang mga screengrab sa pag-uusap nila ni Barbara Ruaro, na ex-partner ni Marcus.

Inilahad ni Ruaro noon ang umano'y domestic violence na naranasan niya pero wala siyang binanggit na pangalan.

Nang ianunsyo ang reunion concert ng Eraserheads nitong Lunes na gagawin sa Disyembre, nag-tweet sina Hartha at Ruaro para pasalamatan ang mga taong hindi raw nakalimot.

"Thank you to every single person who chose not to turn a blind eye," saad ni Ruaro sa tweet.

"Thank you for praying with us and for us. Thank you for making sure that we feel your massive support, whether we know each other personally or not," bahagi pa ng tweet ni Ruaro na naka-tag si Hartha.

Sinubukan ng GMA News Online na makuha ang pahayag ni Marcus. — FRJ, GMA News