Sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Lunes si Ferdinand “Vhong” Navarro matapos maglabas ng arrest warrant laban sa kaniya ang Taguig City court kaugnay sa kasong acts of lasciviousness, ayon sa abogado ng TV host-actor.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Atty. Alma Mallonga, na mananatili si Navarro sa kostudiya ng NBI habang hindi pa naaprubahan ang inirekomendang P36,000 piyansa sa kinakaharap niyang kaso.
“Gagawin natin ‘yung kailangan nating gawin. Mag-i-issue dito ng certificate of detention. Si Mr. Navarro ay mapapasailalim ng custody ng NBI hanggang ma-approve ang kaniyang bail,” sabi ni Mallonga na tiwalang mapagbibigyan ngayong araw ang piyansa ng kaniyang kliyente.
Inihayag ni Mallonga na ang warrant of arrest laban sa aktor kaugnay sa nangyari noong Enero 22, 2014, nang masugatan si Navarro sa nangyaring pananakit ng isang grupo na kinabibilangan umano ng model-stylist na si Deniece Cornejo at negosyanteng si Cedric Lee.
“Ito ‘yung basehan kung bakit merong serious illegal detention and grave coercion charges against Ms. Cornejo at Mr. Cedric Lee at iba pa. Siya (Vhong) ang biktima. Nung nagsampa siya ng kaso biglang sinabi ni Cornejo na ni-rape pala siya. Hindi ito totoo,” giit ng abogado.
Noong Abril 2018, ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang petition for review na inihain ni Cornejo, kaugnay sa pasya ng kagawaran noong September 2017 na nagsasabing walang probable cause para kasuhan si Navarro sa korte.
Idinahilan ng DOJ na hindi sapat ang ebidensiya ni Cornejo kaugnay sa kaniyang alegasyon na inabuso siya ni Navarro, pati na ang tungkol sa umano'y naunang dating reklamo na inihain ng dalawa pang babae.
Pero sa pasya ng Court of Appeals (CA) nitong nakaraang Agosto 2022, inatasan nito ang City Prosecutor ng Taguig na isampa sa korte ang kasong rape at acts of lasciviousness laban kay Navarro.
Ang kaso laban kay Navarro ay kaugnay sa ginawa umanong “force, threat, and intimidation” ng aktor kay Cornejo noong Enero 17, 2014.—FRJ, GMA News