Naging madamdamin ang "legit Dabarkads" na si Ice Seguerra sa pagdiriwang ng kaniyang ika-39 kaarawan sa “Eat Bulaga” nitong Sabado, kung saan una siyang nagpasaya at nakilala.
Sa episode nitong Setyembre 17, hinarana ni Ice ang audience ng mga awiting "Muntik Na Kitang Minahal," at ang kaniyang hit na "Pagdating ng Panahon."
"Thirty-five years na mula noong umapak ako simula rito sa EB stage. Ang dami kong natutunan dito, dito ako natutong tumula, dito ako natutong umarte, dito ako natutong mag-host, mag-joke, sumayaw, kumanta. At dito ko rin unang ibinida at in-enhance kung ano man 'yung talent na meron ako," sabi ni Ice.
Pinasalamatan ni Ice sina Tito, Vic at Joey, na kaniyang mga "pangalawang magulang" at "mentors," na sinamahan siya sa stage.
Hinandugan naman nina Tito, Vic at Joey si Ice ng kanilang komposisyon, partikular ang mga sikat na kantang "Awitin Mo at Isasayaw Ko" at "Ipagpatawad Mo."
Hindi rin nawala ang throwback ng mga nakakatuwang lumang clip ni Ice sa Eat Bulaga, partikular noong sumali siya sa Little Miss Philippines 1987.
Hindi napigilang umiyak ni Bossing Vic nang makita ang ina ni Ice na si Nanay Caring na umiiyak habang pinanonood na kumanta si Ice.
"I just wanna say my heartfelt thanks to Eat Bulaga and Mr. Tuviera and the whole TAPE family. The 35 years, it wasn't easy, but you guys took care of us. Thank you!" mensahe ni Ice sa Eat Bulaga family.
Binati si Ice ng Eat Bulaga family, pati na rin ng mga nagmamahal sa kaniya sa showbiz, kasama sina Sylvia Sanchez, Martin Nievera, at Gary Valenciano.
Hindi naman nawala ang pagbati mula sa kaniyang anak na si Amara, at sa asawang si Liza Diño-Seguerra, na wish na makatrabaho o magkaroon ng project kasama si Ice.
"I'm just here to support you every step of the way, sa hirap at ginhawa, sa lungkot at saya, through ups and downs, hindi ka nag-iisa. I'm here and you will always have a Liza who will be with you, kasangga mo for the rest of your life," mensahe ni Liza.
Gaganapin ni Ice ang kaniyang "Becoming Ice: The 35th Anniversary Concert" sa Oktubre 15 sa The Theatre sa Solaire, bilang pagdiriwang ng kaniyang ika-35 anibersaryo sa showbiz. — VBL, GMA News