Itinuturing na "biggest break" ni Jeric Gonzales sa kaniyang showbiz career ang pagganap niya bilang si Davidson Navarro o Dave sa adaptation ng hit Korean drama series na "Start-Up PH."
"I'm beyond grateful, and sa lahat ng mga sumusuporta sa akin and nag-aabang and excited din. Ganu'n din ako, sobrang excited din ako, kaya nu'ng makita ko 'yung mga teaser, overwhelmed pa rin ako na makita 'yung sarili ko na ako ang nag-play doon sa character ni Dave, ni Nam Do San," sabi ni Jeric sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles.
Ayon kay Jeric, malaking hamon para sa kaniya na gampanan ang role ni Dave.
"Very inspirational si Davidson kasi nag-start talaga siya sa wala. From scratch nag-aral siya and then natututo siya, napu-pursue niya talaga 'yung dream niya," sabi ni Jeric.
Co-stars ni Jeric sina Alden Richards, Bea Alonzo at Yasmien Kurdi.
Dapat din daw abangan ang samahang "Three Sons Tech" nila nina Boy 2 Quizon at Royce Cabrera, dahil hindi lang sa on screen ang kanilang pagkakaibigan.
Magkakaroon ng special screening sa Sabado, na dadaluhan ng cast ng Start-Up PH bago ang world premiere sa Setyembre 26.
Samantala, nakipag-bonding din si Jeric sa kaniyang fans at supporters, na muli niyang pisikal na nakasama.
Nagsilbi rin itong birthday celebration ni Jeric, na nagdiwang ng kaarawan noong nakaraang Agosto. --Jamil Santos/FRJ, GMA News