Ilang buwan makaraang bumili ng Porsche sports car, may panibagong luxury car ang Kapuso star na si Jillian Ward.
Sa Instagram Stories post ni Jillian nitong Lunes, ibinahagi niya ang sasakyang BMW na regalo ng kaniyang mga magulang.
“Thank you Mama and Papa for my new taping car!” sabi ni Jillian sa caption ng larawan na makikita ang bagong BMW M-Sport.
Tila nahihilig si Jillian sa mga mamahaling sports car. Noong 2021, ibinahagi ng dating child actress na nakilala bilang si “Trudis Liit,” ang kaniyang unang BMW car.
Habang nitong nakaraang Marso, ipinakita ng 17-anyos na Kapuso star ang kaniyang bagong Porsche sports car.
Napapanood si Jillian sa bagong GMA afternoon serye na “Abot Kamay sa Pangarap.”
Gagampanan niya ang karakter na si Analyn, ang pinakabatang neurosurgeon sa bansa. Kasama niya rito si Carmina Villaroel, na gumaganap na kaniyang ina na hindi marunong magbasa. — FRJ, GMA News