Mas nakatulong para kay Mikael Daez na hindi nila alam ang challenges na ipagagawa sa kanila sa "Running Man Philippines" kaya sila mas nag-enjoy.

"Mas okay talaga na hindi mo alam 'yung gagawin. At 'yun talaga ang ginawa sa amin ng production. Walang briefing, walang update. Walang heads up," sabi ni Mikael sa GMA Regional TV Early Edition.

"Basta 'Mik, gigising ka at 4 a.m. Tapos papasok ka ng bus, tapos 'yun na. Kung ano ang ipagagawa namin sa inyo, 'yun ang gagawin ninyo,'" kuwento ni Mikael na instruction daw sa kanila ng production.

"So that was it. And I think 'yun ang isa sa mga sikreto kung bakit nag-enjoy kami lahat," dagdag ng aktor.

Kasama ni Mikael sa cast sina Ruru Madrid, Glaiza de Castro, Kokoy de Santos, Lexi Gonzales, Angel Guardian at Buboy Villar.

Ayon kay Mikael, inikot nila ang buong South Korea at nakapag-taping sa iba't ibang magagandang lokasyon doon.

Nagsimula nang umere ang Running Man Philippines sa Kapuso Network noong nakaraang linggo, at napapanood tuwing 7:15 p.m. ng Sabado at 7:50 p.m. ng Linggo sa GMA Weekend Primetime.

Panoorin ang pagiging unang team leader ni Mikael.

--FRJ, GMA News