Bukod sa pag-aasawa ng Pinay na hindi kaagad natanggap ng kaniyang mga magulang, binalikan din ng Kapuso leading man na si Richard Yap ang pagiging malamig noon ng kaniyang mga magulang na Chinese sa panganay niyang anak na babae.
Sa Surprise Guest with Pia Arcangel, inilarawan ni Richard na mala-"You and me against the world" ang walong taon na bahagi ng pagsasama nila ng asawa niyang si Melody. Bunga ito nang hindi pagsuporta ng kaniyang mga magulang sa kanilang pag-iibigan.
"Kasi my parents only fully accepted my wife Melody when she gave birth to my son," sabi ni Richard.
Dahil ipinaglaban ni Richard na mag-asawa ng Pinay sa halip na Chinese, nagkaroon ito ng "kapalit," gaya ng kawalan ng suporta mula sa kaniyang mga magulang.
Makaraan nito, nagkaroon ng panganay na babaeng anak sina Richard at Melody na si Ashley. Gayunman, hindi rin ito kaagad natanggap ng mga magulang ng aktor.
"Kasi when we gave birth to my daughter, hindi muna siya pinuntahan ng parents ko. For two years they didn't see her. Dinala lang namin siya sa Cebu, that's the only time that they saw her. Pero they weren't excited about it," kuwento ng aktor.
"So when my wife gave birth to our son, wala pang one month andito na sila. So makikita mo 'yung difference," dagdag ng Kapuso actor.
Nang tanungin ng host na si Pia Arcangel kung dahil ba sa ito'y lalaki, "Yes" ang pagkumpirmang tugon ni Richard.
Sa kabila nito, nanatiling matatag si Richard at pinanindigan ang kaniyang desisyon na mag-asawa ng Pinay.
"I just told myself na kaya kong gawin ito e, and this is the life I chose, tsaka panindigan ko ito. That's how I went into commercials, because of course, I was looking for other sources of income, so kaya ako pumasok doon even though I didn't want to do it," pahayag niya.
Dahil sa pagsubok na ito, naging mas matatag pa ang relasyon nilang mag-asawa.
"It went both ways. It was made us stronger because parang it's 'You and me against the world' eh, so 'yon 'yung romantic side. But on the financial side also, it made it a lot difficult also because nobody helped you so you have to make it on your own. Kaming dalawa lang," sabi ni Richard.
"Sometimes siyempre mag-aaway kayo kasi funds are running low and all that and you have to pay the bills and all that. So 'yun din ang cause ng mga conflict. In a way, may pros and cons din. May times din na parang mag-aaway lang kayo because of that, 'yun ang parang nagpapahirap din sa relationship," patuloy niya.
Ngayon, 29 taon nang kasal sina Richard at Melody.
"We went through our ups and downs also. The good thing is we stuff it out, communication talaga is the key. Kasi if ou stop talking, you just go your separate ways. But marriage is a collaboration of two people who really want to stay together," ayon pa sa aktor. -- FRJ, GMA News