Hindi napigilan ni Jose Mari Chan na maging emosyonal sa muli niyang pagkanta sa telebisyon nitong Huwebes, at pagbabalik-alaala sa paggawa ng kaniyang kantang pamasko.

Sa pagsalubong ng "ber" months, naging guest ang tinaguriang "King of Pinoy Christmas Carols" sa GMA show na "Unang Hirit," at naghandog ng hit song niya na "Christmas In Our Hearts."

"Thank you for inviting me. I was waiting. 'Kailan kaya ako iimbitahin ng Unang Hirit?'" biro ni Jose Mari Chan.

Inihayag naman ng newscaster na si Arnold Clavio na napaiyak si Jose Mari Chan habang nagre-rehearse.

"When I was singing the song, parang biglang na-feel ko 'yung original feeling ko when I composed that song. And after 32 years, that song continues to be relevant to the young and old people alike," sabi ni Jose Mari Chan.

"So nakaka-touching," dagdag pa ng singer-songwriter.

Kagagaling lamang ni Jose Mari Chan kamakailan mula sa US para dumalo sa concert ng Filipino American Symphony Orchestra sa US, na tampok ang 15 sa kaniyang mga musika.

Nagpasalamat si Jose Mari Chan sa pag-imibita sa kaniya ng Unang Hirit barkada na maging guest at mag-perform.

"It's been three years na I haven't sung. So thank you for inviting me, this is my first time to be on television," sabi pa niya.-- FRJ, GMA News