Inanunsiyo ng batikang aktres na si Jaclyn Jose ang kaniyang pagreretiro mula sa show business.

Inihayag ito ng award-winning actress sa kaniyang post sa social media ng pagdalo niya sa nakaraang GMA Thanksgiving Gala.

"I am retiring, maraming salamat po," maigsing caption ni Jaclyn.

Sa comment section sa kaniyang Instagram post, aminado si Jaclyn na masakit ang naging desisyon niya pero mas prayoridad daw niya ang kaniyang mga anak na sina Andi at Gwen.

"Masakit," saad niya. "But I know I have to go."

"I just sooooo luv Andi and Gwen most and foremost to have come into this," patuloy ni Jaclyn.

Huling napanood si Jaclyn sa katatapos lang na GMA series na "Bolera," na pinagbidahan ni Kylie Padilla.

Nagkaroon din siya ng guest apperance kamakailan sa sitcom na "Jose and Maria's Bonggang Villa" nina Dingdong Dantes at Marian Rivera.

Isa si Jaclyn sa mga premyadong aktres sa Pilipinas, at unang Filipino na nagwagi ng Cannes Best Actress trophy noong 2016 para sa pelikulang "Ma' Rosa," na idinerek ni Brillante Mendoza. — FRJ, GMA News