Namimiligrong hindi matuloy ang paggawa ng bagong pelikula na "The Flash" ng Warner Bros. dahil sa bidang si Ezra Miller na nagiging "problematic" umano.
Ayon sa ulat ng The Hollywood Reporter, nakatakda sanang ipalabas ang "The Flash" sa June 2023.
Pero dahil kay Ezra na napapabalitang kailangan ng "professional help," posible umanong kanselahin na ang produksyon o maghanap ng ibang bida para sa mga susunod na proyekto.
"If that happens, Miller, who goes by they/them pronouns, could give an interview at some point explaining their erratic behavior over the past few years," ayon sa ulat. "The actor could then do limited press for The Flash, and the movie would open in cinemas as planned. "
Kung maitatawid man ang produksyon, sinabi sa ulat na maaaring ipalabas pa rin ang pelikula pero hindi na isasama si Ezra para i-promote ito.
Umaabot umano sa $200 million ang budget para sa "The Flash."
Unang napanood si Ezra bilang "The Flash" noong 2014, at nakasama sa "Justice League" noong 2017.
Napanood din si Ezra sa "Suicide Squad" noong 2016.
Nitong naraang mga taon, ilang gulo ang kinasangkutan ni Ezra. Kabilang ang pananakal umano sa isang fan sa isang bar sa Iceland.
Naaresto naman siya sa Hawaii dahil sa reklamong harassment. Kamakailan lang, iniulat na kinasuhan naman siya ng "felony burglary" sa Vermont. —FRJ, GMA News