Inihayag ni Alden Richards na iba siya sa supladong karakter na kaniyang ginagampanan na si Tristan sa Philippine adaptation ng Korean series na "Start-Up PH." Ang aktor, hindi nagsusungit kahit nakararanas ng stress o pagod.
"Siguro mas bawas doon sa suplado side. Hindi naman talaga ako ganoon in real life. Siguro minsan lang kapag nata-timing-an akong, siyempre hindi naman tayo perfect. Minsan meron din tayong bad days na wala tayo sa mood or pagod or stressed out," sabi ni Alden sa panayam sa kaniya sa GMA Regional TV Live.
Tinitiyak ni Alden na hindi siya nagsusuplado sa harap ng mga tao, na hindi katulad ni Tristan.
"Pero I see to it na every time na humaharap ako sa mga tao, hindi ko pinapakita ang side na 'yon. Ito kasi si Tristan masyadong upfront eh, kaya lagi siyang misunderstood," saad ng aktor.
"Ultimo 'yung hindi naman pala negative sa kaniya, ang perception ng ibang tao sa kaniya is negative 'pag siya 'yung nagsasabi. Siya 'yung real talk talaga whenever he talks to someone," dagdag ni Alden tungkol sa kaniyang karakter.
Makakatambal ni Alden sa "Start-Up PH" ang kaniyang idolo na si Bea Alonzo.
"Hindi pa ako artista, idol ko na silang dalawa ni John Lloyd tsaka si Bea sa "One More Chance," and I'm very vocal about it since I first met her," sabi ni Alden.
Hanggang sa makatrabaho na ni Alden si Bea noon sa isang endorsement sa ibang bansa, at doon siya nagkaroon ng koneksiyon sa aktres.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News