Balik-bansa na ang cast ng "Running Man Philippines" matapos ang anim na linggo nilang work trip sa Seoul, South Korea. Ikinuwento nila ang kakaibang karanasan nila doon.
Sa ulat ni Corinne Catibayan sa "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing nakalapag ang cast ng Running Man Philippines pasado 12 a.m. sa Ninoy Aquino International Airport, matapos ma-delay ang kanilang flight dahil sa malakas na ulan.
Nabalitaan din nila ang malawakang pagbaha sa Seoul bago ang kanilang pag-uwi.
Kinabibilangan ito nina Glaiza de Castro, Kokoy de Santos, Lexi Gonzales, Angel Guardian at Buboy Villar. Nagpaiwan naman sina Ruru Madrid at Mikael Daez.
"Medyo kinabahan lang nga kami kasi umuulan all day and nakita nga namin, may mga kasamahan kami, staff namin na Koreans, interpreters namin na affected by the flood so na-stranded sila, hindi sila nakauwi after the taping. But we're very thankful na nakauwi kami nang safe at walang nagkasakit sa amin dahil may COVID cases pa rin," sabi ni Glaiza.
"Medyo mixed emotions kasi masaya kasi makakauwi na, makakasama na ulit 'yung pamilya. Pero sad kasi parang napamahal ka na rin doon sa Korea," sabi ni Kokoy.
Hindi naman malilimutan ng cast ang kanilang mga karanasan sa South Korea, kung saan tumatak ang pagkakaiba ng kultura roon kumpara sa Pilipinas.
"Surreal. As in sobrang surreal. 'Yung system na ginawa ng SBSS pinapa-experience nila sa amin 'yung culture ng Korea while we're doing our missions. Kaya iba, kakaiba siyang experience kaya dapat abangan niyo po," sabi ni Lexi.
"Second time ko pa lang naka-travel. Kasi una Cambodia tapos Korea. Tapos ang daming mga nangyari, akala ko hindi rin ako matutuloy. Pero thank God, 'pag para sa'yo, para sa'yo. Ginawa ko rin 'yung best ko rito. Ang goal ko ay mapasaya ko 'yung mga manonood," sabi ni Buboy.
"Na-appreciate rin namin 'yung mga Koreans. Lahat, 'yung mga cameraman, lahat 'yun mami-miss namin, and also the missions, siyempre," sabi ni Angel.
Walang script na ginamit sa taping habang ginagawa nila ang kanilang mga task kaya kakaiba ito sa kanilang mga nakasanayan.
"Natutunan ko na competitive din pala talaga ako in my own way. At saka resilient talaga ang mga Pinoy kasi ang dami naming pinagdaanan. Rain or shine tuloy kami sa challenges na ginagawa namin," sabi ni Lexi.
"Every end of taping day ang dami kong mga reflections. Medyo talagang challenging 'yung mga missions namin and masaya ring practice kasi nade-develop 'yung character namin. Dito talaga makikita niyo kung sino kami, walang script dito. So excited din kami na mai-share 'yun sa tao, kung sino kami at kung ano ang mga natutunan namin sa sarili namin," sabi ni Glaiza.
Mapapanood ang "Running Man Philippines" sa darating na Setyembre sa GMA-7.--Jamil Santos/FRJ, GMA News