Masaya si Herlene Budol--na unang nakilala bilang "Hipon Girl"--sa nakamit niyang tagumpay bilang Binibining Pilipinas 2022 1st runner-up. Ito ay kahit pa may mga nagsasabi na 1st runner-up "lang" ang kaniyang naging puwesto.
Sa one-on-one interview ni Jessica Soho kay Herlene sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” nagsalita ang comedianne-turned-beauty queen tungkol sa mga naging puna sa kaniya at pagtawag sa kaniyang "hipon."
Unang tanong ni Jessica kay Herlene ay kung ano ang pakiramdam na tanghalin bilang 1st runner-up sa katatapos lang na patimpalak.
"Sobrang masaya po ako sa kung ano po yung natanggap kong crown. Kahit first runner-up po ako na sinasabi [ng iba] 'lang' lang, pero para sa akin hindi lang siya basta 'lang' lang," paliwanag niya.
"Sobrang proud po ako na naabot ko po yung ganung level," dagdag niya.
Tinanong din ang saloobin niya noon na tinatawag siyang "hipon," o babaeng maganda lang ang katawan.
“Noong una po masakit. Gusto ko nga pong manampal kapag tinawag akong hipon dati,” pag-amin ni Herlene, na unang sumali at itinanghal na Binibining Angono ng Sining noong 2017.
Matapos nito, naging bahagi siya ng isang TV show at ngayon ay nasa pangangalaga na siya ng manager na si Wilbert Tolentino.
Pero kung nasasaktan noon kapag tinatawag siyang hipon, ngayon ay hindi na.
“Hindi ko na po iiwanan iyong pagiging hipon ko,” sabi niya. “Masarap din po pala sa feeling na iyong panlalait na iyon dadalhin ka sa maganda.”
Idinagdag ni Herlene ang kaniyang "squammy walk" sa Binibining Pilipinas ay inspirasyon sa kaniyang pagtira noon sa squatter area.
Dahil hikahos sila noon sa buhay, maagang natutong kumayod si Herlene. Kabilang sa mga naging trabaho niya ang pagtitinda sa palengke, umbrella girl sa golf course, coffee shop crew member, at maging sa pagiging front desk clerk sa munisipyo.
Kuwento ng mga dating kasamahan ni Herlene, dumadaan siya sa tiangge pagkatapos ng trabaho para mag-uwi ng pagkain para sa kaniyang lolo at lola na nagpalaki sa kaniya.
Sa kaniyang pagsisikap, ngayon ay may sariling bahay at sasakyan na si Herlene. Nakamit na rin niya ang pangalap na makasali sa malaking beauty pageant, at nakapagtapos na rin ng pag-aaral.
Pero sa kabila ng mga tagumpay, may nararamdamang kalungkutan si Herlene. Alamin kung ano ito sa buong panayam sa kaniya ni Jessica sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA News