Binalikan ni Bea Alonzo kung paano siya nagsimulang magkagusto kay Dominic Roque, nang minsang nagkukuwentuhan sila habang nasa train sa Japan at mapansin niya ang "kissable lips" ng aktor.

Sa "Updated With Nelson Canlas," kinuwento ni Bea na bago pa sila pumasok sa relasyon, matagal na silang magkaibigan ni Dominic, na mula pa noong 2016.

Noong isang beses na nagbakasyon si Bea sa Japan, sumama si Dominic, ngunit hindi niya ito binigyan ng kahulugan dahil madalas naman silang lumalabas.

"I wasn't really expecting that he would spend time with us because marami siyang friends na nandoon, common friends namin. We just found him to be there all the time lang for us, spending time with us," sabi ni Bea.

"Although we stayed at different hotels, lagi lang siyang pumupunta sa hotel namin bringing coffee," dagdag pa niya.

Gayunman, hindi nakahalata si Bea dahil marami siyang kaibigang lalaki, at hindi siya nagbibigay ng malisya.

Hanggang sa nagkasama sina Bea at Dominic sa train at napagkuwentuhan nila ang writing workshop na dinaluhan ng aktres.

"I had two scripts na he was curious about, na parang 'Ikuwento mo naman sa akin.' Normally hindi ko naman ikinukuwento sa ibang tao kasi nahihiya ako. Tsaka parang wala namang may interes to hear."

"So nagulat lang ako, 'Uy he's interested to hear kung ano 'yung sinulat ko,'" dagdag pa ni Bea.

"Habang nagte-train kami, kuwento, kuwento, kuwento, nagugulat ako na nakatingin lang siya. Nagugulat ako na he was actually interested. Eh hindi na ako sanay na may interesado sa akin or lumalabas sa bibig ko. I felt that way for so long," sabi pa ng aktres.

Namangha raw si Bea na nakatulala si Dominic na talagang interesado sa kaniyang kuwento at iniisip ang kaniyang sinasabi.

"Siya talaga, pina-process niya 'yung sinasabi ko na parang pinanonood niya 'yung pelikula in his head, parang pini-pitch ko 'yung pelikula ko."

Dito napansin ni Bea ang kaguwapuhan ng aktor.

"Hanggang sa, napapatingin ako sa lips niya. Sabi ko 'Oh my God ang cute niya, parang ang sarap naman nitong i-kiss.' Parang ganon," natatawang sabi ni Bea.

"Hanggang sa, napapatingin ako sabi ko 'Ang cute naman niya, s**t bakit ako naku-cute-an sa kaniya? Oh my God malungkot lang ba ako?"

"'Oh my God, mali ito, mali ito,'" natatawa pang pag-alala pa ni Bea.

Napansin naman ni Dominic na napapatingin si Bea sa kaniyang labi.

"Hanggang sa nafi-feel niya napapatingin ako sa lips niya, parang nao-awkward na kaming dalawa. As in like parang meron nang, alam mo 'yung tinatawag nilang sexual tension 'di ba?"

Tunghayan ang buong panayam kay Bea sa Updated With Nelson Canlas. —VBL, GMA News