Inilahad ni DJ Durano na normal para sa mga artista na makaramdam ng pressure sa kanilang trabaho. Kailangan daw ito para matututo kung papaano paghuhusayin at pagbubutihin ang kanilang trabaho.
"'Yung pressure, natural sa pagiging artista 'yan. Kung walang pressure walang pagpupursigi," sabi ni DJ sa Mornings with Regional TV.
"So I think the daily pressure ay talagang, if you really love your job, walang pressure... meron kaunti, pero lalo mo lang gagalingan to be a better actor," saad pa niya.
Bahagi si DJ ng Kapuso action-adventure series na Lolong, at gumaganap bilang si Alberto "Abet" Dominguez, ang amo ni Lolong, ginagampanan ng bidang si Ruru Madrid.
"Sobrang nakakataba ng puso, it's a privilege and honor to be part of the cast kasi talagang napakalaki ng teleseryeng ito lalo na sa GMA at sa amin," sabi ni DJ.
Kuwento ni DJ, naging close ang lahat ng bahagi ng cast, kabilang sina Ruru, Marco Alcaraz, Mikoy Morales at Paul Salas.
"Para kaming naging magkakapatid, 'yung bonding namin sobra kaming talagang knitted, tinahi, nagsakto kami sa mga roles namin at sa pagiging magkakaibigan." --FRJ, GMA News