Bukod sa pagiging aktres, isa ring matagumpay na negosyante si Tuesday Vargas bilang wedding coordinator. Bakit nga ba niya pinasok ang naturang negosyo at may plano ba siyang iwan ang showbiz?
Sa Kapuso Insider, sinabing Managing Director si Tuesday ng Weddings By TV na 10 taon na ngayon.
"Magte-10 years na sa September 'yung Weddings By TV. It's sole proprietorship, so I established it on my own while I was having doubts if itutuloy ko pa 'yung showbiz career ko or what," anang komedyana.
Ayon kay Tuesday, nakita niya ang pangangailangan ng isa pang trabaho kung sakali mang hindi na siya magtuloy sa showbiz.
"Nakakaloka no'n na I was at the peak of my career when I launched the business, kasi I had a minimum guarantee at another network. I had three shows, sobra akong pagod, tapos I decided na out of nowhere, parang kailangan ko ng isa pang gagawin," kuwento niya.
Kaya naman tinitiyak ni Tuesday na maging tutok sa kaniyang negosyo kahit na abala siya sa kaniyang showbiz commitments.
"Everything na ginagawa ko, hindi lang sa showbiz, lalo na 'yung negosyo, talagang nakasawsaw ako roon, sobrang hands on ako... They see me there working with my people. First in, last out ako," sabi niya.
"'Pag out of town nandoon talaga ako, pinupuntahan ko talaga. I take days off from work even if means lesser income just so na mas maganda 'yung output."
Para kay Tuesday, dapat na may "fallback" na iba pang trabaho ang isang tao kung siya ay nasa larangan ng arts.
Hanggang sa magluwag ang mga patakaran sa COVID-19 pandemic at muli nang nagbubukas ang wedding events industry.
"Simula noong nag-Alert Level 1 dire-diretso na 'yung couples. Very, very taxing on our end kasi kumbaga all those two years na na-postpone 'yun lahat sila nagsaksakan sa isang taon. In 2022, 2023 talagang jampacked, siya na sunod-sunod na events," ani Tuesday.
Dahil dito, nanumbalik din ang interes ni Tuesday sa events industry.
"At some point nagiging [boring] na rin siya 'pag matagal mo nang ginagawa. 'Ah matik na 'yan' 'Ganito, ganiyan.' Nagkaroon ulit ako ng renewed favor sa pagiging event planner," sabi ng aktres.
Pero sa kabila nito, tuloy pa rin si Tuesday at bahagi na siya ngayon ng longest running gag show na "Bubble Gang."
Ano naman kaya ang masasabi niya bilang katrabaho ang Kapuso comedy genius na si Michaeal V? Panoorin ang buong panayam kay Tuesday. --FRJ, GMA News