Kilala bilang isang artista at atleta, inihayag ni Richard Gomez ang kaniyang rason kung bakit iniiwasan niyang makita ng anak na si Juliana ang natanggap niyang awards sa acting at sa sports.

Sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel," muling binalikan ni Richard na naging bahagi siya ng national team para sa apat na iba't ibang sports na rowing, badminton, fencing, at volleyball.

Bilang artista naman, marami nang nagawang pelikula at TV shows si Richard, at nakatrabaho ang iba't ibang leading ladies at mga direktor. Dahil dito, nakatanggap na si Richard ng higit sa 10 na acting awards.

Gayunman, hindi raw ito ipinapakita ni Richard sa kaniyang anak.

"'Yung acting trophies ko, sa iba't ibang part ng bahay namin. Ayoko kasi na ilagay sa isang eskaparate lahat ng awards ko because I didn't want to show it to Juliana," sabi niya. "Not that I don't want to show it, pero ayoko na ma-intimidate siya sa akin."

"Kasi maraming mga anak na nai-intimidate sa parents nila, parang 'Grabe naman 'yung parents ko ang dami na nilang nagagawa sa buhay nila.' Natatakot sila, that's how they think. So hindi ko masyadong dini-display, even 'yung mga awards ko sa sports, para they were able to accomplish something without being intimidated or being forced by their parents," paliwanag ni Richard.

Gusto aniya ni Richard na tumayo si Juliana sa sarili nitong mga paa, at hindi lang dahil sa nakita nito na marami siyang awards.

"Kung gumaling siya sa larangan ng academics niya or sa larangan ng sports is because of herself, hindi 'yung nakita niya na 'Ang galing ng tatay ko sa sports, ang galing ng tatay ko sa acting, kailangan sabayan ko rin ito.' I wanted her to grow up on her own," sabi ni Richard.

Ayon kay Richard, bahagi ngayon si Juliana ng fencing team ng Unibersidad ng Pilipinas.

Nauna nang inihayag ni Juliana na priority niya sa ngayon ang academics at sports.

Si Richard naman, kasalukuyan pa ring naglalaro ng kaniyang sports na fencing at badminton sa Ormoc City.

"I needed the exercise, I needed that to keep myself fit," sabi ni Richard, na ngayo'y Representative ng 4th District ng Leyte. —LBG, GMA News