Ikinuwento ni Elle Villanueva na hindi siya makapaniwala nang unang ipaalam sa kaniya na magiging lead star siya sa upcoming Kapuso series na "Return To Paradise." 

Sa Kapuso Showbiz News, sinabing makakasama ni Elle sa serye ang Kapuso hunk na si Derrick Monasterio, at ang batikang aktres na si Eula Valdes, na labis na hinahangaan ni Elle.

"Hindi ako naniwala," sagot ni Elle nang tanungin kung ano ang naging reaksiyon niya nang unang malaman na bibida siya sa "Return To Paradise."

"Kasi ang nagsabi pa sa akin si Miguel sa 'Voltes V' habang nagti-taping kami. Sabi niya, 'Uy congrats may show ka raw na bago 'Return To Paradise.' Oo pero hindi ako lead. Sabi niya, 'Hindi lead ka,'" kuwento ng talaga.

Hindi raw naniniwala si Elle dahil likas na palabiro si Miguel. Pero naniwala na siya nang ang mismong manager niya ang bumati na sa kaniya para sa kaniyang unang lead role sa nasabing serye.


"Super tuwang-tuwa ako na ilo-launch na ako, nagkaroon ako ng lead role, sariling teleserye," saad ni Elle.

Dagdag na kasiyahan kay Elle na makakatrabaho pa niya sa serye ang idolo niyang si Eula.

"Sobrang na-excite ako kasi gusto ko siyang ma-meet in person. And gusto kong marinig yung experiences niya sa industry. Gusto ko talagang maka-work siya kasi sobrang galing niya," pahayag niya.

Tungkol kay Derrick, sinabi ni Elle na naging maayos at may koneksyon na agad sila ng aktor nang una silang magkita.

"I'm sure na alam mo yun, parang walang magiging problema [sa trabaho]," sabi ni Elle. --FRJ, GMA News