Mapapanood na sa 2023 ang inaabangang live-action series na "Voltes V: Legacy," na adaptation ng sikat na 1970s Japanese anime, ayon sa direktor nitong si Mark Reyes.
"Malapit na nating makita ang 'Voltes V' by next year. It will be in 2023," sabi ng direktor na si Mark Reyes sa ulat ni Cata Tibayan sa Unang Balita nitong Martes.
Ayon kay Direk Mark, mahigit dalawang taon ang naging paghahanda ng Voltes V: Legacy, kasama na ang pagpapaganda sa set at paghuhusay ng buong action series sa kabila ng mga limitasyon at hamong dulot ng COVID-19 pandemic.
"The level of expectation is really scary for us," dagdag pa ni Direk Mark.
Bumisita naman ang ilan sa cast members ng series na sina Ysabel Ortega, Radson Flores, Mark Lozano at Rafael Landicho kasama si Direk Mark sa ToyCon 2022.
Suot ang kaniyang blue outfit, in character si Radson, na gaganap bilang si Mark Gordon.
"Grabe talaga 'yung show, it transcends age, generation. Until now, sikat na sikat pa rin. 'Yung mga nakita ko na parts ng show super ganda talaga and very much anticipated," sabi ni Radson.
Si Rafael na gaganap bilang si Little John Armstrong ay cute at napaka-charming na dumating sa convention.
"Si Octo-One abangan niyo po siya and then 'yung pagkaka-genius ko po," ani Rafael.
Hindi naman daw malilimutan ni Ysabel ang pakiramdam nang unang maisuot ang costume at fight suit bilang si Jamie Robinson.
"Noong kaming lima nakasuot na together, we were able to go to the launch pads, 'yung mga super iconic scenes, nakakakilabot talaga," sabi ni Ysabel.
Dream come true para kay Matt Lozano, na gaganap bilang si Big Bert Armstrong, ang proyekto.
"Pinanood ko nang paulit ulit 'yung series ng Voltes V and of course nag-training ako nang walang tigil para magampanan ko lahat ng action scenes," sabi ni Matt.
Pumatok sa mga Kapuso sa Toycon ang mga merchandise, posters at mascot ng Voltes V.
Nakapagpapirma rin ang marami sa kanilang Voltes V collection, kasama na ang signature sword na Laser Sword. —Jamil Santos/VBL, GMA News