Sinagot ni Candy Pangilinan ang tanong kung bibigyan pa niya ng pagkakataon ang taong kaniyang naging "the one that got away" o TOTGA kung magbabalik ito sa kaniya.
"After 15 years? Baka hindi na," sabi ni Candy sa "Mars Pa More." Pero nilinaw niyang wala siyang itinuturing "TOTGA" sa kaniyang buhay.
"Kasi siguro kaya siya nawala, may reason. Kasi naniniwala ako hindi ako ang magbibigay sa kaniya ng pagkakataon," dagdag pa ng comedianne.
Sa ngayon, mag-isang itinataguyod ni Candy ang anak niyang si Quentin, na may autism at attention deficit hyperactivity disorder o ADHD.
Kagagaling pa lamang ni Candy noon sa breakup at wala pang trabaho nang malaman ang tungkol sa kondisyon ng kaniyang anak.
Sa halip na panghinaan, pinili ng aktres na maging matatag at tanggapin ang kaniyang responsibilidad bilang ina ni Quentin.
Sinabi ni Candy na magiging depende sa sitwasyon kung tatanggapin niya ang TOTGA kung sakaling mayroon.
"Hindi ko masasabing 'Gusto ko,' 'Ayaw ko.' It really depends," sabi ni Candy. -- FRJ, GMA News