Dahil sa pagiging patok ng "First Lady" tulad ng prequel nito na "First Yaya," sinagot ni Sanya Lopez ang tanong kung magkakaroon pa ng Book 3 ang Kapuso rom-com series.

"Sabi nga namin, kung ipagkakaloob sa atin, blessing 'yun, so tanggapin natin 'yon. Sana, sana. Kasi marami ring mga tao mga nanonood sa amin na nag-aabang sa Book 3, sana nga raw hindi pa muna tapusin," sabi ni Sanya sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa "24 Oras."

Nakararamdam ng separation anxiety o sepanx si Sanya at ang co-stars niya sa First Lady sa nalalapit nilang paghihiwalay, kahit na may ilang araw pa silang magte-taping.

Dahil ito sa sobrang closeness na ng mga babae sa cast kaya nabuo na nila ang grupo nilang "Dears."

May mga plano na ang "Dears" na binubuo nina Sanya, Cassy Legaspi, Kakai Bautista, Cai Cortez, Maxine Medina at Thia Thomalla.

"Ano man ang mangyari, magkikita at magkikita kami. Lalo na't meron na kaming sariling YouTube channel. So sana mag-subscribe kayo. Ang mga 'Dears,'" sabi ni Sanya.

Nasa homestretch na ang takbo ng storya ng First Lady kaya mahihirapan lalo ang viewers na bitawan ito lalo na't patindi nang patindi ang mga eksena. —Jamil Santos/VBL, GMA News