Ikinuwento ni Sam YG ang nakakatuwa niyang karanasan nang hindi niya nagawang makapagtanong kay Robert Downey Jr. sa isang interview dahil sa sobrang pagka-starstruck sa "Avengers" star.

Sa programang "Mars Pa More," sinabi ni Sam na nakasama siya sa mga media na nabigyan ng pagkakataon para makapanayam ang mga bida ng "Avengers" sa abroad.

"Meron kaming three minutes para interviewhin, siyempre ang daming media from all over the world, three minutes per personality," sabi ni Sam.

"Very strict. Iwan cellphone, bawal cellphones, bawal ang selfie-selfie. Iwan mo diyan ang phone mo, pasok ka, do your thing in three minutes tapos alis ka, next person," patuloy niya.

Nang kakapanayamin na ni Sam si Robert, hindi inasahan ni Sam ang ikinilos ng American actor.

"Sa sobrang starstruck ko sa isang Avenger na ito. Pagkapasok ko ng room, inapiran niya ako. Eh sobrang idol ko 'yun. So in two minutes nakaganu'n (nakatingin sa kamay) lang ako," anang radio personality.

Biro ni Sam, hindi raw siya naligo ng tatlong linggo para lang hindi maalis ang memorya niya na kinamayan siya ng isang Robert Downey Jr.

"Hinawakan ang kamay ko, hindi ako naligo ng three weeks. Sa sobrang starstruck ko sa taong ito, walang iba kundi si Iron Man, Robert Downey Jr."

Ayon kay Sam, hindi na rin niya nagawang makapagtanong kay Robert.

"So wala akong na-interview. Sabi ko 'Thank you! Thank you for shaking my hand. I will go now, thank you! Thank you for touching me. You've touched my life, Thank you, come again," sabi niya.

Samantala, nagbigay naman ng update si Sam tungkol sa karanasan niya sa pag-aasawa matapos ikasal sa kaniyang non-showbiz partner na si Essa Santos.

"Butterflies are there tapos we just moved in sa place namin. Medyo a lot of exciting things here in the hang of the married life," dagdag ni Sam.

Pabiro rin ni Sam, may ilang mga bagay siyang binago na sa kaniyang buhay.

"Tsaka mabait na ako ngayon. Mas mabait na ako ngayon," sabi niya. -- FRJ, GMA News