Natanggap ng pelikulang "Triangle of Sadness," na pinagbidahan ng aktres na si Dolly De Leon, ang prestihiyosong Palme d'Or sa 75th Cannes Film Festival.
Sa Chika Minute report ng "24 Oras Weekend," sinabing ang "Triangle of Sadness" ay isang social satire tungkol sa dalawang modelo na stranded sa isang isla.
Kasama nila ang isang toilet attendant, na ginampanan ni Dolly, at mga billionaire guest.
Ito na ang ikalawang Palme d'Or na natanggap ng Swedish director na si Ruben Östlund.
Samantala, itinanghal namang Best Director ang South Korean director na si Park Chan-wook para sa romantic thriller na "Decision to Leave."
Ginawaran naman ng Best Actor si Song Kang-ho para sa role niya sa "Broker," habang Best Actress ang Iranian na si Zar Amir Ebrahimi para sa "Holy Spider." —Jamil Santos/VBL, GMA News