Masaya ang Philippine billiard legend na si Efren "Bata" Reyes sa pagkakaroon ng sports-drama series na "Bolera," na may tema tungkol sa paglalaro ng bilyar at pinagbibidahan Kylie Padilla.
"Maganda 'tong project na ito na 'Bolera' lalo na sa kabataan na naglalaro [ng bilyar]. Makakapanood na naman sila ng mga bilyar kamukha n'yan 'Bolera.' Sisikat na naman ang bilyar," sabi ni Efren sa Kapuso Showbiz News.
Dagdag ng alamat sa bilyar, marami na naman ang maglalaro at matututo ng naturang isport na bukod sa maaaring pagkakitaan ay maaaring magbigay ng karangalan sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga sports tournament.
Paliwanag ni Efren, hindi tulad sa ibang sports na kailangan ang tangkad at pagiging bata, sinabi niya na, "Kahit maliit ka, puwede, kahit may edad puwede."
Ayon kay Efren, ang isa sa mga hindi niya malilimutang kompetisyon sa mundo na kaniyang sinalihan ay nang manalo siya sa 1999 World Professional Pool Championship na ginawa sa Cardiff, Wales.
"Kung hindi doon, hindi ako makikilala [sa buong mund]," saad niya.
Payo naman ni Efren sa mga kabataan na nais sumunod sa kaniyang yapak, unahin muna ang pag-aaral.
"Tapusin muna nila ang kanilang pag-aaral dahil 'yan ang makakatulong sa kanila. Dahil sa bilyar hindi mo alam kung matututo ka o hindi, ang pag- aaral mo matutulungan ka niyan," sabi ni Efren.
Pinayuhan din niya ang mga kabataan na kailangan laging malusog, at huwag gagamit ng kung ano- anong klase ng bawal na gamot. --FRJ, GMA News