Excited si Kylie Padilla sa kaniyang bagong primetime series na "Bolera" kung saan gaganap siya bilang isang billiard player.

Sa panayam ni Suzi Entrata-Abrera sa GMA News Unang Hirit, aminado si Kylie na wala siyang kaalam-alam noon sa paglalaro ng bilyar.

Pero kaagad daw niyang tinanggap ang proyekto dahil sa ganda ng istorya nito, lalo na sa kaniyang karakter na si Joni.

Hindi pa rin daw siya makapaniwala na makakasama niyang maglaro ang mga billiards legends at masters na sina Efren "Bata" Reyes, Django Bustamante, Rubilen Amit at Johann Chua.

Hanggang ngayon kapag binabalikan ko yung memory na 'yon, parang hindi siya...kasi sa lahat ng naglalaro ng bilyar that's a dream come true," ani Kylie.

"Yung buong taping namin one day, wala silang ginawa kundi turuan lang ako kung paano magbilyar," patuloy niya.

Hindi naman daw naging mahirap kay Kylie ang proyekto dahil mahilig din siya sa sports. Pero aminado siya na nag-adjust siya sa lock-in taping dahilkinailangan niyang malayo sa dalawa niyang anak ng matagal.

"Yun yung pinakamahirap. Everything else is easy naman, yung pinakamahirap yung malayo sa mga anak. May adjustment for me," sabi ni Kylie.

Naniniwala si Kylie na muling mauuso ang bilyar na para sa kaniya ay isa sa mga laro na "it will make you smarter."

Magsisimula nang sumargo ang "Bolera" mamayang gabi sa GMA Primetime.--FRJ, GMA News